Mixed ang galaw ng presyo ng petrolyo bukas, Martes, October 6: tataas ng P1.93 kada litro ang gasolina habang bababa naman ng P1.30 kada litro ang diesel, batay sa opisyal na price adjustment ng Department of Energy (DOE).
Dumarating ang bagong galaw ng presyo kasabay ng panibagong panawagan na pansamantalang alisin ang excise tax sa gasolina at diesel para maibsan ang epekto ng mataas na fuel costs sa transportasyon, pagkain at iba pang bilihin.
Mas mataas ang aktuwal na P1.93 gasoline hike sa ilang naunang industry estimates. Noong nakaraang linggo, tinatayang nasa P1.50 hanggang P2 kada litro ang dagdag sa gasolina habang P1 hanggang P1.50 naman ang posibleng rollback sa diesel.
Nagbabago ang presyo habang magkasalungat ang galaw ng global fuel markets. Lumuwag ang pressure sa diesel matapos ang hakbang ng G7 countries at partners na magpalabas ng emergency oil at diesel reserves, habang nananatiling maigting ang gasoline market dahil sa supply constraints, refinery disruptions at malakas na regional demand.
Noong nakaraang linggo, nagkaroon muna ng malaking rollback na P7.57 kada litro sa diesel, P5.85 sa kerosene at 24 sentimos sa gasolina.
Sa gitna ng mataas na presyo, hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang economic managers na muling ikonsidera ang pansamantalang suspension ng excise tax sa gasolina at diesel.
“Dapat i-reconsider nila (economic managers) ‘yang pag suspinde rin sa excise tax sa gasolina at diesel. Dapat i-reconsider ng economic managers nation kanit temporary lang dahil umabot na ulit sa more than $80 barrel at tuloy-tuloy. Mayroon nang dahilan para suspendinin,” ani Gatchalian.
Giit niya, hindi lamang motorists ang naaapektuhan dahil gumagamit din ng diesel at gasolina ang logistics companies at naipapasa sa presyo ng mga bilihin ang dagdag na gastos.
“Dapat suspendihin na ’yan dahil ang gumagamit din ng diesel, gasolina ay logistics company, at ‘yan ay ipinapasa sa pagkain. Noon pa man, ang mungkahi natin ay i-suspend na rin ang gasolina, para makatulong sa pagbaba ng presyo ng mga bilihin at hindi na maipasa pa sa iba pang pangunahing bilihin,” sabi niya.
Nanawagan din si Sen. Bam Aquino na alisin ang VAT at excise taxes sa petroleum products dahil direkta umano itong bumibigat sa budget ng workers, drivers, delivery riders at maliliit na negosyo.
“Hindi na po sapat ang kinikita ng ating mga kababayan buwan-buwan. Kahit anong pagtitipid, hindi na nagkakasya ang budget. Ramdam po ito ng ating mga kababayan na pinagkakasya ang sweldo hanggang sa susunod na sahod. Ramdam ito ng estudyanteng kinakapos ang baon sa pamasahe at pangangailangan sa eskwelahan; ng maliliit na negosyong nauubos ang kita sa gastos; ng mga driver at delivery rider na halos wala nang nauuwi dahil sa presyo ng petrolyo,” ani Aquino.
May ligal na mekanismo para sa temporary fuel tax relief sa ilalim ng Republic Act No. 12316. Pinapayagan nito ang Pangulo, sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee at koordinasyon sa DOE, na suspendihin o bawasan ang excise tax kapag umabot o lumampas sa US$80 kada barrel ang one-month average Dubai crude price.
Nauna nang sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang excise taxes sa liquefied petroleum gas at kerosene matapos ma-certify ng DOE na umabot sa US$99.41 kada barrel ang one-month average Dubai crude mula August 13 hanggang September 11.
Hindi kasama sa naturang suspension ang gasolina at diesel. /Bistado


