Nilampaso ng EST Cola ng Thailand ang Nxled, 25-22, 25-21, 25-19, sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City upang makuha ang kampeonato sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational nitong Martes ng gabi.
Naging ikalawang dayuhang koponan ang EST Cola na nagkampeon sa Invitational matapos talunin ng Kurashiki Ablaze ng Japan ang Creamline noong 2023.
Ang mga Thai ang nagdikta ng ritmo, sinalo ang bawat hamon at halos bawat pagtulak ng kalaban ay tinugunan ng higit na bilis at lakas na hindi natapatan ng Chameleons.
Muling nanguna sina Papatchaya Phontham, Nannaphat Moonjakham at Nirarach Srikuta sa mabangis na opensiba ng bisitang koponan.
Ipinakita ng EST Cola ang malinis na pasa, disiplinadong transition, walang-humpay na pagtakip sa court at pambihirang koordinasyon sa depensa.
Ang kanilang kakayahang makabawi, mag-reset at agad na gumanti ng atake ang pumigil sa kalaban.
Gumawa rin ng kasaysayan ang 20-anyos na si Phontham matapos maging kauna-unahang Most Valuable Player ng PVL mula sa isang guest team.
Nagtapos si Phontham na ikalawa sa scoring matapos ang preliminary round na may 97 puntos mula sa 84 attacks, pitong aces at anim na blocks. Siya rin ang ikatlong pinakamabisang spiker sa liga, matapos magtala ng 35.74 porsiyentong success rate.
Pumuwesto siya sa ikaapat sa service na may average na 0.37 aces bawat set, dahilan upang makuha rin niya ang Best Opposite Spiker award.
Sa laban para sa bronze medal, binigo ng PLDT ang Creamline, 25-20, 20-25, 25-21, 25-22.
Tinalo ng High Speed Hitters ang Cool Smashers sa ikalawang pagkakataon sa loob ng tatlong araw. Una noong Linggo, 25-17, 23-25, 21-25, 25-23, 15-12, para pigilan ang Creamline na makarating sa finals.
“Hindi ko alam,” ani Kim Fajardo kung paano nila magkasunod na tinalo ang Creamline.
“Pero ano lang siguro, despite lahat ng pagod namin, talagang kailangan namin itawid nang maayos ’tong tournament na ’to. Kailangan namin tapusin nang maayos.”
Gumawa si Fajardo ng 15 excellent sets, mas kaunti ng apat kaysa katunggaling si Kyle Negrito ngunit sapat na upang ipanalo ang PLDT, na kampeon noong nakaraang taon.
Pinangunahan muli ni Savi Davison ang atake, na may 29 points samantalang nag-ambag si Jovie Prado ng 12 points.
Gumawa rin si Kim Dy ng 10 points, si Mika Reyes ng 8 points at si Majoy Baron ng 5 points. Depensa naman ang ambag ng iba pang High Speed Hitters.
Fifth place ang Farm Fresh nang biguin muli ang Ho Chi Minh City ng Vietnam, 25-10, 25-15, 25-15.


