Maaaring maipit ang suplay ng pagkain at muling sumipa ang presyo ng mga pangunahing bilihin kapag tumindi ang El Niño, kasabay ng kawalang-katiyakan sa pandaigdigang produksyon at kalakalan ng bigas.
Dagdag na hamon ito sa Department of Agriculture (DA) matapos magbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maaaring magpalala sa inflation ang tagtuyot.
Dahil dito, inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga ahensya ng DA na patuloy na rebisahin ang kanilang El Niño response plans batay sa pinakabagong datos sa panahon, pananim, suplay ng tubig at merkado.
“Ang mga aral na natutunan natin mula sa matinding El Niño na nagtapos noong kalagitnaan ng 2024 ay dapat makatulong sa atin para sa mas mahusay na pagtugon sa hamon ng klima na kinakaharap natin ngayon,” ani Tiu Laurel.
Kumikilos umano ang DA upang matulungan agad ang mga lokal na prodyuser at mapatatag ang suplay bago mauwi sa kakulangan at pagtaas ng presyo ang pinsalang dulot ng panahon.
Kamakailan ay itinaas ng BSP nang 25 basis points ang interest rate bilang tugon sa patuloy na mataas na inflation. Hindi rin nito isinasantabi ang karagdagang hakbang sa monetary policy kapag nagpatuloy ang pressure sa mga presyo.
Nangyari na ang pinangangambahang pagsabay ng tagtuyot at problema sa pandaigdigang suplay. Noong 2023, tumaas nang 21% ang All Rice Price Index ng Food and Agriculture Organization dahil sa pangamba sa epekto ng El Niño sa produksyon at sa mga paghihigpit ng India sa pag-export.
Nilimitahan ng India noong Hulyo 2023 ang pag-export ng non-basmati white rice, kasama ang iba pang trade restrictions. Ipinakita nito kung gaano kabilis maaaring lumiit ang pandaigdigang suplay kapag naghigpit ang isang pangunahing rice exporter—isang panganib para sa mga bansang umaasa sa importasyon gaya ng Pilipinas.
Lumiit din ang sektor ng agrikultura ng bansa noong 2024. Dahil sa masamang panahon, bumagsak nang 4.85% ang produksyon ng bigas kumpara sa nakaraang taon.
Maaaring lalong maipit ang lokal na suplay kung muling tatama ang matinding tagtuyot habang nananatiling bulnerable ang pandaigdigang merkado sa mga problema sa klima at kalakalan.
Kabilang sa paghahanda ng DA ang pagpapalakas ng irigasyon, pagsasaayos ng iskedyul ng pagtatanim, pagtiyak sa sapat na farm inputs at mas mahigpit na pagsubaybay sa imbentaryo. Inihahanda rin ang posibleng mga hakbang sa importasyon at merkado kung kakailanganin.
Kasama sa estratehiya ang paglilipat ng produksyon sa mga rehiyong hindi gaanong maaapektuhan, pagpapalawak ng cloud seeding at solar-powered irrigation at mas mahusay na paggamit ng tubig.
Magpapamahagi rin ang DA ng mga binhing matibay sa tagtuyot, magbibigay ng crop insurance indemnification at magpapalawig ng emergency financial support sa mga bulnerableng magsasaka. /Bistado


