Mabilis na umusad si Alexandra “Alex” Eala sa US Open nitong Huwebes (Biyernes ng umaga sa Pilipinas) nang talunin si Oleksandra Oliynykova ng Ukraine, 6-1, 6-4, sa loob ng isang oras at apat na minuto upang unang makapasok sa ikatlong round sa New York.
Nakabawi na si Eala matapos siyang matalo kay Oliynykova sa Internationaux de Strasbourg sa France noong Mayo.
“My patience and consistency of my focus, I think that was the key to winning the match today,” ani Eala matapos ang laban.
Ang No. 17 seed na Pilipina, na umabot sa Round of 64 sa kanyang debut sa US Open main draw noong nakaraang taon, ay nagtala ng 19 winners laban sa 17 unforced errors habang mahusay niyang hinarap ang pagbabago ng bilis at spin ni Oliynykova.
Napigilan din niya ang determinadong paghabol ng kanyang katunggali sa ikalawang set, matapos makapag-break ng serve nang limang beses sa kabuuan.
Sa Sabado, makakaharap ni Eala ang kaibigan na si No. 14 seed Iva Jovic ng United States, na sinibak ang British qualifier na si Francesca Jones, 6-4, 6-4.
Sa ibang laro, nakabangon si Naomi Osaka mula sa pagkadapa sa ikalawang set upang talunin si Katerina Siniakova, habang maayos naman nagpatuloy ang kapwa dating kampeon na si Iga Swiatek.
Dinaig ng 28-anyos na Haponesa ang top-ranked doubles player na si Siniakova ng Czech Republic sa deciding set, 6-2, 5-7, 6-1, upang makumpirma ang kanyang susunod na laban kontra Belgian 23rd seed Elise Mertens.
Tinalo naman ni Swiatek, anim na beses nang kampeon sa Grand Slam kabilang ang US Open noong 2022, si Nadia Podoroska ng Argentina, 6-3, 6-2.
Itinakda ng dating world No. 1 ng Poland ang kanyang susunod na laban kontra sa Czech player na si Marie Bouzkova, na naunang tumapos sa kampanya ng Briton na si Harriet Dart, 6-2, 7-2.
Nakaligtas din ang Amerikanang si Madison Keys laban kay Anna Bondar ng Hungary, 5-7, 6-4, 7-6(5).


