Nasungkit ng top seed na Pilipinang si Alexandra Eala ang kampeonato sa Birmingham Open matapos talunin ang ikalimang seed na si Nikola Bartunkova ng Czech Republic, 5-7, 6-3, 7-5, Linggo ng gabi sa Edgbaston Priory Club sa England.
Nakuha ni Eala ang kanyang ikalawang titulo sa WTA 125 at una sa grasscourt. Tinatayang mag-uuwi siya ng premyo na katumbas ng Php2 million.
Ang 2025 Guadalajara Open sa Mexico ang unang titulo sa WTA 125 ni Eala.
Isang araw lamang ang pahinga ni Eala dahil sasabak syang muli sa Queen’s Club Championships sa West Kensington, London ngayong Martes. Una niyang makakaharap sa Round of 32 ang qualifier na si Zhang Shuai ng China.
“Lifting this trophy does not mean I will be among the greats yet,” ani Eala, matapos malaman na kabilang sa mga nakaraang Birmingham champions ang legend na si Billie Jean King, Martina Navratilova, Maria Sharapova at Petra Kvitová.
“So I’m motivated to keep working. I’m grateful for the part that this trophy has played in my journey.”
May halong swerte daw ang break point na kanyang hinarap sa huling laro bago masungkit ang titulo, ani Eala
“It was a really tight moment, and I knew that if I didn’t go for it, Nikki would go for it. It’s one of those days where a little bit of luck and intention was what got me through,” sabi nya.
Nagpares sina Eala at Bartunkova sa doubles competition ngunit natalo sila sa second seed na mga Briton na sina Harriet Dart at Maia Lumsden, 4-6, 6-2, 11-9, sa unang round pa lamang.
Umabante si Eala sa championship round matapos talunin ang Swiss qualifier na si Rebeka Masarova, 6-2, 4-6, 6-3.
Sa quarterfinals, pinataob niya ang Thai na si Mananchaya Sawangkaew, 6-3, 6-2. Natalo rin ni Eala si Sawangkaew, 6-1, 6-2, sa finals ng Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre 2025, na nagwakas sa 26-taong tagtuyot ng Pilipinas sa gintong medalya sa women’s singles.
Kabilang din sa mga naging biktima ng 21 anyos na si Eala ang Australian na si Priscilla Hon, 6-0, 6-2, sa Round of 32, at ang Russian na si Alina Charaeva, 6-2, 7-5, sa Round of 16.
Samantala, ang world No. 69 na si Bartunkova ay nagwagi kontra Dart, 3-6, 6-3, 7-5, sa unang round; sa kanyang kababayang si Gabriela Knutson, 6-4, 7-6 (4), sa ikalawang round; sa Briton na si Mika Stojsavljevic, 6-4, 6-7 (8), 7-6 (4), sa quarterfinals; at sa Amerikanang si Ashlyn Krueger, 6-4, 7-6 (7), sa semifinals.
“I’d like to congratulate her (Bartunkova) for an amazing week,” patungkol ni Eala sa kalaban. “It’s one of those days I wish we could both win. This match was incredible. I think it was anyone’s game.”


