Pinagbabayad ng Court of Tax Appeals (CTA) ang isang online gaming company ng mahigit P30 milyon dahil sa kakulangan sa ibinayad nitong value-added tax (VAT) noong 2019.
Sa 24-pahinang desisyon na may petsang Hulyo 28, inatasan ng Special Second Division ng CTA ang I-Cyberworld Biz na magbayad ng P30.7 milyon.
Nagpapatakbo ang kumpanyang nakabase sa Kamuning, Quezon City ng mga e-bingo operation sa ilang lugar.
Saklaw ng VAT deficiency ang P138 milyong kita na natanggap ng kumpanya mula sa bahagi ng mga operator sa gaming revenues.
Bukod sa P30.7 milyon, inatasan din ang kumpanya na magbayad ng P10,094 na delinquency interest kada araw. Kinukuwenta ang interes mula Hulyo 1, 2022 hanggang sa ganap na mabayaran ang pananagutan.
Pinahintulutan din ng CTA ang Bureau of Internal Revenue na kumpiskahin ang sapat na halaga ng mga ari-arian ng kumpanya upang masingil ang buwis. /Bistado


