Mahigpit na binabantayan ng Department of Energy (DOE) ang galaw ng fuel prices sa bansa habang patuloy ang global developments at tensyon sa Middle East, kabilang ang bagong babala ng Iran kaugnay ng pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz.
Ayon sa Malacañang nitong Huwebes, sinusubaybayan ng gobyerno ang oil price fluctuations mula nang magsimula ang krisis upang matiyak na sumusunod ang presyo sa international market-based pricing mechanism.
“Iyan na po ang inuutos ng Pangulo sa DOE. At tayo naman po, according to DOE, ang presyo po ng ating fuel ay base lamang sa international market price,” sabi ni Palace Press Officer Claire Castro sa reporters.
Sinabi ito ni Castro nang matanong kung susundan ng Pilipinas ang hakbang ng United States na imbestigahan ang umano’y gasoline price gouging ng major oil companies sa gitna ng Middle East crisis.
Ayon kay Castro, patuloy na mino-monitor ng DOE ang compliance sa pricing regulations at maaaring kumilos laban sa anumang paglabag.
“At ito po ay tinututukan ng DOE at nabanggit na rin po natin noon na kapag ka po lumalabag ay nagbibigay po sila ng show cause order,” sabi ni Castro.
Noong Martes, June 23, nagpatupad ang mga oil firm ng big-time rollback. Bumaba ang presyo ng gasolina ng P3.90 hanggang P5.90 kada litro, diesel ng P9.04 hanggang P11.04 kada litro, at kerosene ng P9.82 hanggang P11.82 kada litro.
Pero nananatiling sensitibo ang fuel prices sa pandaigdigang galaw ng langis, lalo na dahil kritikal ang Strait of Hormuz sa energy shipments.
Sa Tehran, nagbabala ang Iran’s Revolutionary Guards nitong Huwebes laban sa anumang pagdaan sa Strait of Hormuz nang walang authorization, kasabay ng negosasyon ng Tehran at Washington tungkol sa hinaharap ng naturang waterway.
“The only authorised route for passage through the Strait of Hormuz is the route announced by the Islamic Republic of Iran,” ayon sa Revolutionary Guards, na ideological arm ng military ng Iran.
Ayon pa sa kanila, anumang crossing na walang authorization ay “unacceptable and extremely dangerous.”
Nagbabala rin ang Revolutionary Guards na ang vessels na hindi susunod “will be dealt with.”
Ang Strait of Hormuz ay makitid na daanan ng tubig sa pagitan ng Iran at Gulf countries, kung saan karaniwang dumadaan ang humigit-kumulang 20 percent ng crude oil at liquified natural gas sa mundo. Sa pinakamasikip na bahagi nito, nasa 30 kilometers o 18 miles lamang ang lapad.
Ayon sa ulat, ang tanging rutang kasalukuyang authorized ng Iran ay corridor na sumusunod sa baybayin ng bansa. Binatikos din ng Revolutionary Guards ang sinabing bagong ruta sa waterway na inanunsyo umano ng “certain authorities,” pero hindi na nagbigay ng detalye.
Naging sentro rin ng usapan ang planong singilin ng Tehran ang tinatawag nitong maritime service fees, habang giit ng United States, international waterway ang Strait of Hormuz at hindi dapat singilin.
Sa memorandum of understanding na nilagdaan noong nakaraang linggo ng Tehran at Washington upang tapusin ang kanilang war, nakasaad na maaaring dumaan nang libre ang commercial ships sa strait sa loob ng susunod na 60 araw.
Hindi pa malinaw kung anong arrangements ang ipatutupad pagkatapos ng 60-day period habang nagpapatuloy ang negosasyon ng Iran at United States.
Noong Martes, inanunsyo ng Iran at Oman, na nasa hangganan din ng strait, na pag-aaralan nila ang “costs” na sisingilin para sa services na may kaugnayan sa administration ng Strait of Hormuz.
Pero sinabi ni United States Secretary of State Marco Rubio, habang bumibisita sa kalapit na Gulf countries ngayong linggo, na hindi tatanggapin ng Washington ang anumang tolls o fees. /Bistado


