Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Higos at binigyan ng local name na Gardo, habang palabas na naman ang Severe Tropical Storm Francisco, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Huwebes.
Sa 5 p.m. bulletin ng Pagasa ngayong June 25, huling namataan si Gardo sa layong 1,400 kilometers silangan ng extreme Northern Luzon. Kumikilos ito pa-hilagang-kanluran sa bilis na 45 kilometers per hour.
Taglay ni Gardo ang maximum sustained winds na 85 kph malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 105 kph. Walang wind signal na nakataas sa alinmang bahagi ng bansa dahil kay Gardo.
Ayon sa Pagasa, mananatiling tropical storm si Gardo sa buong forecast period, mananatiling malayo sa landmass, at inaasahang lalabas ng PAR sa Biyernes.
Samantala, inaasahang lalabas naman ng PAR si Francisco sa loob ng susunod na anim na oras mula sa 5 p.m. bulletin.
Huling namataan si Francisco sa layong 625 kilometers hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, taglay ang maximum sustained winds na 95 kph at pagbugsong umaabot sa 115 kph. Kumikilos ito pa-hilaga hilagang-silangan sa bilis na 15 kph.
Ayon sa Pagasa, lalo pang hihina si Francisco at posibleng ma-downgrade sa tropical storm sa Biyernes.
Dahil kay Francisco, maaari pa ring makaranas ng masamang panahon ang Batanes, kung saan nananatiling nakataas ang Wind Signal No. 1 sa naunang ulat.
Patuloy ding nakaaapekto sa Luzon at Visayas ang Southwest Monsoon o Habagat, na magdadala ng gusty conditions lalo na sa coastal at upland areas.
Inaasahan ang occasional rains sa Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro. Sa Metro Manila, Ilocos, Cordillera, CALABARZON, Western Visayas, at natitirang bahagi ng Cagayan Valley, Central Luzon, at MIMAROPA, posibleng magkaroon ng mostly cloudy skies with scattered rains.
Sa Mindanao, maaaring magdala ang thunderstorms ng heavy rains at strong winds na tatagal hanggang isang oras, lalo na sa hapon.
Nagbabala ang Pagasa sa posibleng pagbaha at landslides sa hazard-prone areas, lalo na kapag tumagal o lumakas ang ulan. /Bistado


