Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang granular o school-level resumption ng face-to-face classes upang mapigilan ang learning loss na dulot ng madalas na suspensyon.
Inihayag ng ahensya ang plano nitong Martes, habang 607 paaralan sa buong bansa ang suspendido ang in-person classes dahil sa malakas na ulan ng habagat at pagbaha.
“In line with the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr. to protect learner safety while recovering lost learning time, we need a policy that reflects ground realities,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
Ayon kay Angara, nagdudulot ng matinding disruption sa basic education ang mga blanket class suspension. Umabot sa 53 teaching days ang nawala sa ilang public school noong School Year 2023–2024 dahil sa masamang panahon at iba pang mga disruption.
“While safety will always remain our non-negotiable priority, we can no longer rely on broad, blanket suspensions where an entire city shuts down even when individual campuses are dry, safe, and ready to teach,” aniya.
Sa ilalim ng panukalang Executive Order (EO), maaaring magbalik sa in-person classes ang mga paaralang nananatiling ligtas o mabilis na nakabangon mula sa emergency kahit may citywide o municipal-wide suspension.
Kailangan dito ang pagsang-ayon ng local government unit (LGU) at dokumentadong safety assessment ng campus.
“If a school is clear, accessible, and certified safe, our learners should be back in the classroom without delay,” ani Angara.
Layunin ng DepEd na i-update ang Executive Order No. 66, series of 2012, na namamahala sa automatic at localized suspension ng klase at government work tuwing may kalamidad o weather disturbance.
Magtatakda rin ang draft ng standardized rules sa suspensyon at balik-klase para sa natural at human-induced hazards, kabilang ang matinding init, lindol, power outage at masamang air quality.
Sa granular class resumption, maaaring simulan ng public school head ang pagbabalik-klase batay sa site-specific assessment, sa pagsang-ayon ng local chief executive (LCE). Maaari rin itong ideklara ng private schools sa pakikipag-ugnayan sa LCE.
Mananatili naman ang kapangyarihan ng school heads sa ilalim ng DepEd Order No. 22, series of 2024, na magsuspinde dahil sa isolated campus hazards, sa pagsang-ayon ng Schools Division Superintendent.
Bibigyan ang LGU at Schools Division Office ng isang oras upang aksyunan ang safety assessment. Umaasa ang DepEd na maaaprubahan ng Pangulo ang panukala bago matapos ang taon. /Bistado


