Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Atty. Kapunan kay VP Sara: ‘If you want transparency, you should start with yourself’

Kinansela ni Vice President Sara Z. Duterte ang nakatakda niyang personal trip sa Japan kasabay ng pagkuwestiyon sa paglalantad ng Palasyo sa kanyang schedule—ngunit hinamon siya ng House prosecution na unahin ang pagpapaliwanag sa paggamit ng public funds ng kanyang opisina.

Naglabas ang Office of the President noong Lunes, August 17, ng travel authority para sa biyahe ni Duterte sa Japan mula August 19 hanggang 24. Personal umano ang biyahe at walang gastos sa gobyerno.

Gayunman, humiling ang Office of the Vice President (OVP) noong Martes, August 18, na kanselahin ang travel authority dahil nagbago na ang plano ng bise presidente.

“My plans have since changed, and the updated information on this matter was formally submitted to the Office of the President,” pahayag ni Duterte. Sa parehong pahayag, nagbabala rin siya na maaaring makompromiso ang kanyang personal security at malantad siya sa mas mataas na panganib dahil sa patuloy na pagsasapubliko ng kanyang schedule.

Nauna nang kinumpirma ng Palasyo ang Japan trip batay sa inisyu nitong travel authority. Wala pang inilalabas na bagong travel plan ang OVP matapos ang kanselasyon. Wala ring tugon ang Malacañang sa oras ng ulat sa security concern ni Duterte.

Noong July, pinayagan din si Duterte na bumiyahe sa Qatar, Germany, United Kingdom, Northern Ireland at The Netherlands mula July 16 hanggang 31.

Sabi ni VP Sara, dapat ilabas din ng Palasyo ang travel authorities at kaukulang public expenses ng iba pang government officials at employees, kasi parang iba daw ang trato sa kanya.

Pero kinontra ni House impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers ang patutsada ni VP Duterte na sini-single out daw siya. 

“I think misplaced iyong pananaw, iyong ganoong statement,” ani Barbers sa online press conference nitong Miyerkules.

Ayon sa kanya, bahagi ng inaasahang transparency sa mga public official ang pagsasapubliko ng official travel. Publiko rin aniya ang mga biyahe ng Pangulo.

“Transparency, hindi naman doon sa ganyang physical presence—kung saan man ito—kundi iyong pagpapatakbo ng iyong opisina. Kasama iyan sa panawagan na magkaroon ng transparency; kailangang nakikita ng taong-bayan saan napupunta ang ating pondong ginagamit,” ani Barbers.

Sinabi naman ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na maaaring mailihis ng mga pahayag ni Duterte ang atensyon ng publiko mula sa ebidensyang inihaharap sa impeachment trial.

“Every time nagkakainitan sa impeachment trial, nagkakaroon siya ng press conference, parang kino-confuse ang public,” ani Kapunan.

Tinukoy niya ang tinatayang ₱2.3-bilyong OVP budget noong 2023 at ang ₱612.5 milyon sa confidential funds na sinusuri sa ilalim ng Article I.

Binubuo ang halaga ng ₱500 milyon na hinawakan ng OVP noong 2022 at 2023 at ₱112.5 milyon na ginamit ng Department of Education (DepEd) habang education secretary si Duterte.

“If you want transparency, you should start with yourself,” ani Kapunan.

Iginiit niyang pera pa rin ng gobyerno ang confidential funds kahit protektado mula sa karaniwang public disclosure ang operasyon at pagkakakilanlan ng mga recipient nito.

“Hindi po iyan regalo sa iyo. Public funds pa rin iyan,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Kapunan ang sinabi ni Duterte na personal funds ang ginamit sa ilang foreign travel. Aniya, maaaring maging mahalaga ang pinagmulan ng pera kapag tinalakay na ang impeachment article hinggil sa alleged unexplained wealth.

“How do you explain your personal funds if it is stated in your SALN kung ano ang sweldo ninyo, ano ang businesses ng asawa ninyo? Saan nanggagaling iyong personal funds na ginagastos mo para sa mga travels mo?” tanong ni Kapunan.

“If you are pointing a finger at all other government agencies, there are three fingers pointing back at you. You start with yourself and start with presenting yourself, accounting for public funds in the Impeachment Court,” ani Kapunan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles