Itinalaga ng Malacañang si dating Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer Robert Joseph Montes de Claro bilang bagong kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT), kapalit ni Henry Aguda.
Kasunod ito ng pagkumpirma ni President Ferdinand Marcos Jr. na tinanggap na niya ang pagbibitiw ni Aguda.
May mahigit 33 taong karanasan si De Claro sa teknolohiya, corporate management at financial services. Nagtapos siya ng Computer Science sa De La Salle University.
Bago pumasok sa SSS, humawak siya ng executive positions sa GlobalOne Solutions, Cloud Sherpas, JMango Philippines at People4u Inc. Nagtrabaho rin siya sa Nestlé.
Sumali si De Claro sa Social Security Commission noong 2023 bago italagang SSS president at CEO noong December 2024.
Nauna rin siyang namuno sa Information Technology and Collection Committee ng komisyon at kumatawan sa SSS sa boards ng PLDT at UnionBank.
Sa kanyang pamumuno sa SSS, isinulong niya ang biometric verification, digital pension services at paperless transactions.
Haharapin ni De Claro sa DICT ang mga hamon sa cybersecurity, digital infrastructure, telecommunications policy at pananagutan ng malalaking technology platforms.
Winelcome naman ng consumer advocacy group na Digital Pinoys ang kanyang appointment at nanawagang bigyang-prayoridad ang online safety, cybersecurity, data privacy at digital literacy.
Ayon sa grupo, mahalaga ang pagtutulungan ng gobyerno, civil society, consumer advocates at private sector para matiyak na napapakinabangan ng publiko ang digital transformation.
Nagpahayag din ang Digital Pinoys ng kahandaang makipagtulungan kay De Claro at sa DICT para protektahan ang Filipino digital consumers at isulong ang mas ligtas at inklusibong digital services. /Bistado


