Posibleng i-delist ng Commission on Elections (Comelec) ang 50 party-list groups matapos mabigong lumahok o makakuha ng sapat na boto at puwesto sa Kamara sa nakaraang dalawang national elections.
Sa Notice of Cancellation and Delisting na inilabas nitong Martes, sinabi ng Comelec na pinag-aaralan ang pagkansela sa registration ng mga naturang grupo.
“In the performance of this mandate, the Commission is hereby notifying the…party-list groups, organizations and coalitions that their respective registrations are being considered for removal or cancellation by the Commission,” ayon sa Comelec.
Sampung grupo ang nahaharap sa delisting dahil hindi lumahok sa dalawang magkasunod na national elections.
Kabilang dito ang 1 Alliance Advocating Autonomy Party (1AAAP), 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK), AGBIAG, Ako Ayoko sa Bawal na Droga (AKO), Filipino Family Party, GRECON, INANG MAHAL, 1-LAMBAT, LUNTIAN at One Philippines.
Samantala, 40 pang grupo ang posibleng i-delist matapos mabigong makakuha ng hindi bababa sa 2 porsiyento ng party-list votes at hindi rin nakakuha ng puwesto sa second round ng seat allocation sa dalawang nakaraang halalan.
Kabilang dito ang Bayan Muna, Buhay, Magdalo, DIWA, ARISE, AKO-OFW, A TEACHER, AHON MAHIRAP, AKO PADAYON, AKTIBONG KAAGAPAY, ANG KOMADRONA, APAT-DAPAT, ANG BUMBERO NG PILIPINAS, PAMILYA MUNA, BABAE AKO, BANAT, BAYANING TSUPER at BISAYA GYUD.
Kasama rin ang BOSES, BUNYOG, CLICK PARTY, FRONTLINERS ANG BIDA, H.E.L.P. PILIPINAS, HUGPONG FEDERAL, IPATUPAD, LUNAS, MAHARLIKA, EPANAW SAMBAYANAN, MAAGAP, PAMILYANG MAGSASAKA, PINOY AKO, RAM, TODA AKSYON, TICTOK, TULUNGAN TAYO, TURISMO, UNITED FRONTLINERS at WALANG IWANAN SA FREE INTERNET.
Nasa listahan din ang ARTE at ASAP NA.
Gayunman, hindi pa pinal ang delisting. Abiso pa lamang ang inilabas ng Comelec na pinag-aaralan ang pagkansela sa registration ng 50 grupo.
Kapag tuluyang nakansela ang registration, mawawala ang kanilang pagkilala bilang mga organisasyong maaaring lumahok sa party-list system maliban kung maibalik ito sa ilalim ng naaangkop na proseso. /Bistado


