Target ng Department of Agriculture (DA) na magtakda ng P53 kada kilo na suggested retail price para sa local rice matapos makipagkasundo sa rice industry stakeholders.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., balanse ang target na presyo sa kita ng mga magsasaka at budget ng consumers.
Bahagyang mas mataas ang P53 kada kilo na SRP kumpara sa imported 5-percent broken rice, na nilagyan ni President Ferdinand Marcos Jr. ng P50 kada kilo na price cap sa loob ng 30 araw simula May 15.
“This is not a price ceiling. It’s just a guide for consumers on fair local rice prices,” paglilinaw ni Tiu Laurel.
Mahalagang usapin ang presyo ng bigas dahil direktang tumatama ito sa household budgets, inflation, at maging sa monetary policy decisions ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
“I’ve consulted rice millers and industry groups, and P53 per kilo is acceptable,” dagdag ni Tiu Laurel.
Ayon sa kalihim, maaari pa ring magbenta nang mas mababa ang market players, habang nabibigyan pa rin ng puwang ang ibang bahagi ng value chain na kumita nang makatwiran.
Ilalabas ng DA ang memorandum na magdedetalye ng SRP sa local rice sa mga susunod na araw.
Samantala, sa imported rice, sinabi ni Tiu Laurel na magsisimula sa susunod na linggo ang full enforcement ng P50 price cap para mabigyan ng panahon ang retailers at consumers na makapag-adjust.
“We will start full enforcement next week,” ani Tiu Laurel. /Bistado


