Pinaiigting na ng Department of Agriculture (DA) ang paghahanda para sa posibleng matinding epekto ng El Niño sa mga magsasaka, mamimili, at suplay ng pagkain sa bansa.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na maaaring bumaba ang ani at maapektuhan ang food supply kapag lumakas ang tagtuyot. Bagama’t hindi ganap na maiiwasan ang pagkalugi, sinabi niyang maaari itong mabawasan sa pamamagitan ng maagang paghahanda.
Kabilang sa mga tinukoy na hakbang ang pagtatanim ng crops na mas kaunti ang kailangan sa tubig, gaya ng munggo, sa mga lugar na madalas tamaan ng drought. Kasama rin ang paggamit ng solar-powered irrigation, low-cost greenhouses, at mas maagang planting schedule.
“Ang mga natutunan natin sa El Niño noong 2024 ang magsisilbing gabay sa ating paghahanda at mga hakbang ngayon,” dagdag ni Tiu Laurel.
Pinapalakas din ng DA ang mga interbensyon sa ilalim ng National Rice Program at Rice Competitiveness Enhancement Fund. Sakop nito ang pamamahagi ng dekalidad at climate-resilient na binhi, fertilizer support, farm mechanization, irrigation support, water-saving technologies, credit assistance, extension services, at farmer training.
Layunin ng mga programang ito na mapataas ang productivity, mapababa ang production at postharvest costs, at mapalakas ang kakayahan ng local rice industry na makabangon sa climate risks.
Kasabay nito, sinusuri na rin ng DA ang irrigation systems, nagsasagawa ng climate risk mapping, localized planning, at paghahanda ng drought-tolerant seeds, fertilizer, at irrigation support. Pinapalakas din ang crop insurance, access sa credit, at market facilitation.
Muling binubuhay din ang El Niño Task Force para mapahusay ang koordinasyon ng mga ahensya at mas mabilis na response kapag tumindi ang epekto ng tagtuyot.
Bilang bahagi ng food security preparations, sinabi ni Tiu Laurel na pinagtibay ng Pilipinas at Vietnam ang kasunduan sa bigas. Sa napagkasunduan ng dalawang pamahalaan, maaaring bumili ang Pilipinas, kung kinakailangan, ng hanggang 1.5 milyong metriko toneladang bigas mula sa Vietnam.
Ang Vietnam ang pangunahing supplier ng bigas ng Pilipinas. Nasa competitive price umano ang supply na sakop ng kasunduan.
Pero nilinaw ni Tiu Laurel na hindi automatic ang import volume. Nakadepende pa rin ang aktuwal na dami ng aangkating bigas sa presyo sa market at sa local production.
“Katulad noong nakaraang taon, nang magpatupad si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng import ban mula Setyembre hanggang Disyembre upang suportahan ang presyo ng palay, patuloy nating babalansehin ang seguridad sa pagkain at kapakanan ng ating mga magsasaka upang matiyak na makatatanggap sila ng makatarungang kita para sa kanilang sipag,” ani ng kalihim ng DA.
Bukod sa banta ng El Niño, ramdam din ng agriculture sector ang supply disruptions at pagtaas ng agricultural input costs dahil sa sigalot sa Middle East.
Naitala na ang 0.3 percent pagbaba sa agricultural output, kung saan mas malaki ang naging bagsak sa palay production kesa sa pagtaas sa poultry at livestock.
Batay sa mga kamakailang pag-aaral, maaaring bumaba ng 20 hanggang 30 percent ang agricultural production kapag tumama ang matinding El Niño. /Bistado


