Tatapusin ng Department of Agriculture (DA) ang distribusyon ng 380 mechanical drying systems sa buong bansa bago ang 2027 wet season rice harvest, sa pinakamalaking rollout ng ganitong pasilidad sa kasaysayan ng bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., may 230 units na ini-install at inaasahang aandar bago matapos ang taon.
Ang natitirang 150 units ay tatapusin sa susunod na taon, para maging fully ready ang buong network pagsapit ng September 2027.
Sinabi naman ni Philippine Center for Post-harvest Development and Mechanization assistant director Joel Dator na tapos na ang procurement para sa unang batch.
Nakadepende na lang umano ang installation sa pagtatapos ng housing sheds, habang dalawang units na ang tumatakbo sa Nueva Ecija.
Target ng proyekto na magdagdag ng 1 million metric tons na palay drying capacity kada cropping cycle.
Layunin nitong protektahan ang bagong aning palay laban sa ulan, moisture, at spoilage, na matagal nang sanhi ng losses at mahinang kalidad ng ani.
Ayon sa mga opisyal, susuportahan nito ang rice self-sufficiency target sa pamamagitan ng mas maayos na grain handling, hindi lamang sa pagpapataas ng production volume.
Paliwanag ni DA Undersecretary Christopher Morales, mas mataas ang presyo ng maayos na natuyong palay, kaya tumataas ang effective output at kita ng farmers.
Tinatayang magdadala ang bagong drying capacity ng dagdag na P3 billion net income kada cropping season, o nasa P6 billion kada taon.
Batay sa average yields at price premium para sa well-dried grain, maaaring madagdagan ang kita ng farmers ng humigit-kumulang P12,600 kada hectare bawat season, o P25,200 kada taon. /Bistado


