Muling gumiling ang mga camera ng CCM Productions sa ilalim ni direk Coco Martin para sa ‘SIGABO.’
Sa mga lumabas na balita, nag-resume na ang taping ng comedy-action series na pagsasamahan ng magpartner na sina Coco at Julia Montes.
Ito yung series na dapat ay pumalit agad sa nagtapos na Ang Probinsyano noong March pa.
Nagkaroon pa nga ng mga balita na hindi na ito matutuloy dahil nitong mga nakaraang linggo ay natsismis na muling nagdadalantao si Julia at posible pa daw itong palitan.

Subalit sa muli nilang pagpapakita ng kanilang taping para sa nasabing series, ay nagpapatunay na wala itong katotohanan lalo’t may mga action stunts ding gagawin si Julia sa series.
Papel ng isang policewoman ang role ni Julia na masasangkot sa karakter ni Coco, na isang probinsyanong nasangkot sa mga gulo ng lumuwas ito ng lunsod para magtrabaho.
Ang mga iba’t-ibang sitwasyon sa pang-araw-araw na buhay ang tatakbuhin ng kwento na magsisimula na ngang umere anytime soon this June.
Tungkol naman sa intrigang naalarma daw ang CCM Prodn. at si Coco mismo sa very high and positive reception sa action-series ni Dingdong Dantes na The Master Cutter sa GMA 7, sey ni Coco, “everybody is welcome. Maganda nga iyan dahil may choice ang mga televiewers. Happy ako , kami sa pagbabalik action ni Dingdong sa TV. Iba yung sa kanila, iba yung sa amin. Ang mga tao naman ang maghuhusga diyan. Basta kami, gagawin namin ang lahat para muli silang pasayahin at bigyan ng de kalidad na series.”
Sinegundahan ito ni Julia sa pagsasabing very proud siya kay Coco hindi lang sa pagiging very hands on producer-director-actor nito.
“Sobra siyang maalaga, madetalye at nakaka-amaze ang sipag. Mabilis gumana ang utak at talagang subsob sa trabaho. Kaya sure na maganda ang resulta ng ginagawa namin at magugustuhan talaga ng marami. Besides, kilala na yung brand niya at tested na kumbaga di ba?,” dagdag pa ni Julia.


