Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Bolts, Dyip, Giant Pandas, umaasa sa mga bagong import

Tatlong bagong import ang nakatakdang mag-debut sa PBA Season 50 Governors’ Cup na magsisimula sa Hulyo 10.

Isusuot ni Jordon Varnado ang jersey ng Meralco Bolts, si Justin Strings naman ang magiging import ng Terrafirma Dyip at si De’Vondre Perry ang para sa guest team na Macau, na gagamit na ngayon ng bago nitong bansag na Giant Pandas (dating Black Knights).

Bagama’t unang beses pa lamang maglalaro ni Varnado, 29, sa kauna-unahang play-for-pay basketball league sa Asya, pamilyar na siya sa sistema ng Meralco matapos niyang isuot ang uniporme ng Bolts sa Basketball Champions League Asia noong nakaraang taon, kung saan umabot ang koponan sa quarterfinals.

Isang produkto ng Troy University Trojans sa Alabama, USA, may malawak na karanasan si Varnado sa paglalaro sa iba’t ibang bansa gaya ng Hungary, Poland, Italy, Greece at pinakahuli sa Israel.

Malaki ang inaasahan kay Varnado, matapos umabot ang Bolts sa semifinals ng Commissioner’s Cup sa pangunguna nina Marvin Jones at kapalit na import na si Patrick Gardner.

Si Strings, na 29 anyos din, ay dating miyembro ng Sacramento State Hornets varsity team sa California, USA.

 Naglaro rin siya ng propesyonal na basketball sa iba’t ibang bansa kabilang ang Canada, Germany, Argentina at Uruguay.

Si Perry, 27, ay naglaro para sa Temple University sa Philadelphia, Pennsylvania, USA noong kolehiyo bago ipinagpatuloy ang kanyang propesyonal na karera sa Belgium, Dominican Republic at pinakahuli sa Germany.

Sa pagkakapangalan ng Meralco, Terrafirma at Macau sa kani-kanilang mga import, tanging Titan Ultra at Converge na lamang ang hindi pa nagpaparating ng kanilang mga reinforcement para sa pagbubukas ng season-ending conference.

Ang iba pang import ay sina Justin Brownlee ng Commissioner’s Cup champion Barangay Ginebra, Aaron Fuller para sa Rain or Shine, DeQuan Jones para sa NLEX, George King para sa San Miguel, Indonesian Basketball League Most Valuable Player Kentrell Barkley para sa Blackwater, BJ Johnson para sa Phoenix at KJ Buffen para sa Magnolia.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles