Bilyon-bilyong piso pa rin ang nakalaan para sa confidential at intelligence operations ng pamahalaan sa 2027 kahit binawasan ng administrasyong Marcos ang panukalang pondo kumpara sa kasalukuyang taon.
Batay sa isinumiteng 2027 National Expenditure Program (NEP), aabot sa ₱10.773 bilyon ang pinagsamang confidential and intelligence funds (CIF) ng mga ahensya ng gobyerno.
Mas mababa ito ng ₱1.045 bilyon o 8.8 porsiyento mula sa ₱11.818 bilyong nakapaloob sa 2026 General Appropriations Act (GAA).
Sa panukalang halaga, ₱4.368 bilyon ang confidential funds habang ₱6.405 bilyon ang intelligence funds. Ibig sabihin, mas mataas nang mahigit ₱2 bilyon ang intelligence funds kaysa confidential funds.
“We wish to note that this P10.773 billion in combined [CIFs] is lower from the 2026 GAA level for [CIFs] of P11.818 billion, or lower by 8.8 percent,” pahayag ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert de Leon.
Bahagi ang CIF ng ₱7.2-trilyong national budget na isinumite ng Malacañang sa Kongreso noong Martes, August 11. Mas mataas nang ₱407 bilyon o anim na porsiyento ang kabuuang panukalang budget kumpara sa ₱6.793 trilyon ngayong 2026.
Kahit bumaba ang kabuuang CIF, hindi ginalaw ang ₱4.55-bilyong pondo ng Office of the President (OP). Binubuo ito ng ₱2.25 bilyong confidential funds at ₱2.3 bilyong intelligence funds.
Katumbas nito ang mahigit 42 porsiyento ng lahat ng CIF na nakapaloob sa panukalang budget. Sa madaling sabi, mahigit apat sa bawat sampung pisong inilaan para sa confidential at intelligence operations ay mapupunta sa tanggapan ng Pangulo.
Ginagamit ang confidential funds ng mga civilian government agency sa surveillance at iba pang sensitibong aktibidad na may kaugnayan sa kanilang mandato. Ang intelligence funds naman ay karaniwang inilalaan sa military, uniformed at intelligence agencies para sa pangangalap ng impormasyong may kinalaman sa national security.
Ayon kay De Leon, kaparehong mga departamento at ahensyang nakatanggap ng CIF ngayong 2026 ang nakatakdang magkaroon nito sa susunod na taon. Bahagyang mas mataas lamang ang panukalang allocation para sa Philippine National Police (PNP).
“Pero definitely ito po ay mas mababa pa rin doon sa…2026 level ng ating [CIF],” sabi niya.
Binigyang-diin ng DBM na hindi awtomatikong makatatanggap ng ganitong pondo ang lahat ng tanggapan ng gobyerno. Limitado umano ito sa mga ahensyang may legal na mandato para magsagawa ng confidential o intelligence operations.
“Tanging yung mga ahensya na legally authorized na magkaroon ng confidential and intelligence functions ang mayroong [CIF] under the 2027 [NEP],” ani De Leon.
Sakop ang paggastos sa CIF ng umiiral na mga patakaran sa budgeting, paggamit, liquidation at audit. Nakapaloob ang mga pangunahing tuntunin sa Joint Circular No. 2015-01 ng Commission on Audit (COA), DBM at iba pang kaugnay na ahensya.
“These funds are subject to existing budgeting, utilization, liquidation, and auditing rules to ensure accountability and that the funds are used solely for their intended purposes,” ayon sa DBM.
Hindi pa pinal ang ₱10.773-bilyong panukala. Susuriin pa ito ng House of Representatives at Senado, na may kapangyarihang bawasan, dagdagan o ilipat ang mga allocation bago maipadala ang budget bill sa Pangulo.
Nakatakdang simulan ng House Committee on Appropriations ang pagbusisi sa national budget sa briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Lunes, August 17. /Bistado


