AI-powered drones ang pinag-aaralang gamitin ng Department of Agriculture (DA) para maagang matukoy ang mga peste, sakit at iba pang banta sa pananim bago pa kumalat at magdulot ng malaking pinsala.
Ayon sa DA, pinagsasama ng teknolohiya ang real-time environmental data mula sa drones, historical weather patterns at machine-learning models para magbigay ng early warning sa mga magsasaka at ahensiya ng gobyerno.
Sinimulan na ng Japanese technology provider na E-SupportLink (ESL) ang pilot testing sa tatlong banana farm sa Davao del Norte at Davao de Oro. Isinasagawa ang proyekto sa ilalim ng memorandum of understanding nito sa Department of Agriculture Regional Field Office XI.
Dumaraan na sa ground verification ang mga resulta ng aerial imaging technology.
Gumagamit ang sistema ng drones, aerial photography, at artificial intelligence (AI) analysis para bantayan ang paglago ng pananim, bilangin ang mga halaman, tantiyahin ang produksiyon, ayusin ang paggamit ng farm inputs, at makita ang maagang senyales ng sakit.
“Ang halaga ng sistemang ito ay hindi lamang tungkol sa pagpapalipad ng mga drone. May kasama itong predictive analysis at forecasting. Matutukoy natin kung saan maaaring magsimula ang problema bago pa ito maging mas malaking suliranin,” ani DA Undersecretary Cheryl Natividad-Caballero.
Ayon sa kanya, makatutulong ang early detection para makakilos agad ang mga magsasaka at mabawasan ang gastos sa pagkontrol ng outbreak.
“Kapag maaga mong nalalaman kung saan ang problema, mas mabilis kang makakakilos, at mas mababawasan ang gastos sa pagkontrol dito,” dagdag ni Caballero.
Sinabi ng ESL na ginagamit na ang katulad na teknolohiya sa Japan. Nagpakita rin umano ng interes ang ilang private banana producer sa Davao para gamitin ang aerial data sa production planning at disease monitoring.
Pero iginiit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kailangang maging abot-kaya ang teknolohiya.
“Promising ang teknolohiyang ito, pero kailangan nating tiyakin na magiging abot-kaya at accessible ito hindi lamang sa malalaking kumpanya kundi, higit sa lahat, sa maliliit na magsasaka,” ani Tiu Laurel.
Pinag-aaralan din ng DA ang paggamit nito sa sugarcane at coconut.
Sa proposed cooperation, tutulong ang ESL sa pagsasanay ng drone operators, pagbuo ng aerial imaging systems at AI-based productivity assessments. Sinusuri rin ang training assistance mula sa Agricultural Training Institute at posibleng government funding. /Bistado


