Posibleng bumaba nang malaki ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo, matapos ang sunod-sunod na taas-presyo nitong mga nakaraang linggo.
Batay sa industry estimates, maaaring bumaba ang diesel ng P6.50 hanggang P7.50 kada litro simula June 2, habang ang gasolina ay posibleng magrollback ng P3.50 hanggang P4.50 kada litro.
Ayon naman kay Department of Energy Director Rino Abad, batay sa price developments sa unang apat na trading days ngayong linggo, posibleng bumaba ang gasolina ng hanggang P4 kada litro, diesel ng hanggang P8 kada litro, at kerosene ng hanggang P10 kada litro.
Kung matutuloy, mababawi ng rollback ang taas-presyo ngayong linggo na nasa P1.90 kada litro para sa diesel, P1.95 kada litro para sa gasolina, at P1.45 kada litro para sa kerosene.
Malaking ginhawa ito para sa motorists, public utility vehicle drivers, at consumers na ilang linggo nang tinatamaan ng mataas na fuel costs.
Ayon sa isang industry source, lumuluwag ang global oil prices dahil sa mas magandang market sentiment sa posibleng usad ng negotiations sa pagitan ng United States at Iran.
Mahalaga ang Strait of Hormuz dahil isa itong critical shipping route para sa global oil supplies. Kapag may tensyon dito, tumataas ang pangamba sa supply disruption at kadalasang tumitindi ang pressure sa presyo ng langis.
Ayon kay Abad, malaking dahilan ng inaasahang pagbaba ang positibong development sa US-Iran talks.
“Ito’y dahil maganda ho ang naging resulta sa mga pronouncement ng negotiation between U.S.-Iran,” ani Abad.
Batay sa DOE, nananatili pa ring mataas ang fuel prices, pero bumaba na ito sa nasa P70 hanggang P80 kada litro mula sa halos P140 kada litro ilang linggo matapos magsimula ang Middle East conflict noong late February.
Ang estimates ay batay sa unang apat na trading days ng Mean of Platts Singapore, ang benchmark na ginagamit sa pricing ng imported fuel products sa Southeast Asia. Isinama rin sa computation ang average foreign exchange movements.
Inaasahang iaanunsyo ng oil companies ang final price adjustments sa Monday, at magiging epektibo ang bagong presyo kinabukasan.
Samantala, sinabi ni Abad na nakapaglabas na ang gobyerno ng humigit-kumulang P40 million na tulong sa public utility vehicle drivers sa ilalim ng P10-per-liter Fuel Subsidy Program.
Sakop ito ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport Program, o UPLIFT, kung saan maaaring makatanggap ang qualified drivers ng hanggang P1,500 kada sasakyan bawat linggo sa loob ng tatlong buwan.
Ayon kay Abad, nasa 1,263 gasoline stations nationwide na ang sumali sa programa, at inaasahang madadagdagan pa ito sa mga susunod na linggo. /Bistado


