Tinambakan ng Batang San Miguel ang Batang Talk ‘N Text, 79-52, sa 10-Under division ng 2026 Batang PBA nitong Martes sa Victoria Sports Complex sa Quezon City.
Nagtala sina Ivan Luke Hufano at Khalix Aiden Marohom ng tig-26 at 20 puntos upang pamunuan ang Batang Beermen.
Nabalewala ang 37 puntos ni Lucas Gabriel Miciano para sa Batang Tropang 5G.
Makakapasok ang SMB sa finals berth ng three-team division kapag tinalo ang Batang Rain or Shine sa Biyernes.
Umiskor si Simon Bailey Robles ng 11 puntos habang nagdagdag si Nathan Louie De Leon ng walo para sa Tropang 5G.
Mula sa 13-17 matapos ang first quarter, bumawi ang Batang Beermen ng 26-5 pagsabog at hindi na bumitaw.
Sa 15-U division, nagtala sina Adrian De Guzman, Mihangel Philrick Morre at Mark Vincent Patungan ng tig-15 puntos nang pataubin ng Batang Meralco ang Batang Pureblends, 71-63.
Tumabla ang Batang Meralco sa Batang Ginebra sa liderato sa four-team 15-U division.
Binuksan ng Batang Gin Kings ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 72-68 panalo laban sa Batang Converge FiberXers noong Sabado.
Sa 13-U division, nakalusot ang Batang TNT laban sa Batang Phoenix, 61-57, para sa 2-0 kartada, kasunod ng 82-49 panalo kontra Rain or Shine.
Gumawa si Rigel Seven Bagtas ng 16 puntos habang nagdagdag sina Joaquin Miguel Sanchez at Kyrian Jadera ng 13 at 12 puntos para sa Batang Tropang 5G.
Sa isa pang laro sa 13-U, umarangkada agad ang Batang San Miguel sa 17-0 patungo sa 62-28 panalo laban sa Batang Rain or Shine.
Pinangunahan nina Jaden Kyrie Ramirez at LeBron James Donato ang Batang Beermen sa kanilang 12 at 10 puntos.
Sa 11-U, nakihati ang Batang Converge sa maagang liderato kasama ang Meralco sa Group A matapos ang 81-68 panalo laban sa Batang Ginebra (0-2).
Ang Batang Magnolia naman ay nagbukas ng kanilang kampanya sa pamamagitan ng 78-66 panalo laban sa Batang Blackwater sa 11-U pa rin.
Mainit si Glenn Mikael Mabulac sa buong laro at nagtapos na may 25 puntos habang tumulong si Ethan Kronos (10) para sa Batang Hotshots.


