BATAC CITY – Isinailalim sa state of calamity ang Batac City matapos ang malaking sunog na nagdulot ng malawak na pinsala sa ari-arian at kabuhayan ng mga residente, vendors, at business owners.
Unanimous na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang unnumbered resolution para agad magamit ng lungsod ang calamity funds at maipatupad ang emergency response, relief, at recovery measures para sa mga pamilyang at vendors na naapektuhan ng sunog.
Ayon kay City Mayor Mark Christian Chua, makatutulong din ang deklarasyon para mapabilis ang procurement ng essential goods at services na kailangan sa rehabilitation efforts.
“We know many of our vendors and families are facing uncertainty, and I want you to know that your city government is here, working together and acting with urgency,” sabi ni Chua matapos ang deklarasyon.
Nakipagpulong na rin si Chua sa heads ng city government para tiyaking tuloy-tuloy ang clearing at cleaning operations, damage assessment, at iba pang agarang response efforts.
Habang mino-monitor ang sitwasyon mula noong gabi ng sunog, inatasan naman ni Gov. Cecilia Araneta-Marcos ang Provincial Social Welfare and Development Office na makipag-coordinate sa local government ng Batac para sa agarang tulong.
Kabilang dito ang family food packs para sa nasa 400 merchants at vendors na umaasa ang kabuhayan sa market, na pinakamalaki sa rehiyon at kilala sa fresh produce, local handicrafts, at native delicacies.
“At this time of trial, let us keep our fellow citizens in our thoughts and prayers as we work together to help them recover and rebuild,” sabi ni Araneta-Marcos sa media interview nitong Lunes.
Ayon pa sa gobernador, humingi na rin sila ng tulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa dagdag na assistance.
Samantala, pansamantalang lumipat sa bagong Bagsakan Center malapit sa public market ang fruit at vegetable vendors ng Batac City public market para maipagpatuloy ang pagbebenta ng kanilang produkto.
Tumulong din ang mga linemen ng Ilocos Norte Electric Cooperative sa mga pagsisikap sa pagbabalik ng kuryente sa public market ng Batac City.
Patuloy pang inaalam ng fire investigators ang sanhi ng sunog.
Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon at sumunod sa fire safety measures para maiwasan ang kahalintulad na insidente. /Bistado


