Inirekomenda ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pagsasampa ng kaso laban sa 11 miyembro ng coaching staff ng men’s basketball team ng Ateneo de Manila University kaugnay ng pagkalunod ng dalawang manlalaro sa isang team building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Ayon sa isang press conference na pinangunahan ni kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Biyernes, inirekomenda ng PNP-CIDG sa Department of Justice (DOJ) ang pagsusuri, pagbuo ng kaso at preliminary investigation para sa paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act laban sa mga umano’y nagplano at aktuwal na lumahok sa itinuturing na hazing sa Aurora.
Nais ng PNP-CIDG na masampahan ng kaso sina dating head coach na si Tab Baldwin, na nagbitiw na; dalawang strength and conditioning coach na sina Grant Dearns at Caesar Vincent Elumba; tatlong assistant coach na sina Dean Caesar Castaño, Sandro Nicholas Soriano at Reynaldo Jacinto Jr.; dalawang student manager na sina Paolo Manuel Adevoso at Andrew Lorenzo Salud; physical therapist John Eric Rueca; at dalawang utility/ball boy na sina Aris Prince at Joel Rapa.
“This is not about training or hazing. This is also about the rights of the players. Ito rin po ay sana maging leksyon para sa lahat ng mga organisasyon na ang ganitong klaseng bagay ay hindi pwedeng dalhin sa magaanan paraan lamang,” ani Remulla sa presscon sa Quezon City.
“This is only the recommendation of the CIDG as the complainant. The final arbiter of what they will be charged with will be the Department of Justice.
Sinabi ni DILG Assistant Secretary Brian Mey Tomas na natuklasan ng mga imbestigador na umano’y isina-ilalim ang mga manlalaro sa matitinding pisikal na aktibidad sa mapanganib na kondisyon bago nalunod sina Rene Baterbonia, 18, at Divine Adili, 21.
Idinagdag niya na ang naturang aktibidad ay layon matukoy kung sinu-sino ang makakapasok sa pinal na roster ng koponan na isusumite sa University Athletic Association of the Philippines board.
Sinabi ni Remulla na ang immigration lookout bulletin order na inilabas laban kay Baldwin noong Hunyo 17 ay magiging hold departure order (HDO) kapag umabot na sa korte ang kaso.
“We will recommend the HDO pero sinabihan ko na rin siya nung umpisa pa lang na . I recommend that you do not try to leave the country and he said I do not plan on going anywhere. He will stay. ‘Yun ang sabi,’’ ani Remulla.
Kumpyansa si PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na aaprubahan ng DOJ ang kanilang rekomendasyong magsampa ng kaso.
“The PNP, nag-imbestiga nang maayos and so the pieces of evidence that were gathered shows that a case can be prosecuted under the Anti-Hazing Law,” ani Nartatez.
“We are recommending the suspects or respondents to be prosecuted under Anti-Hazing Law because we found out that there is an act of maltreatment and hazing and initiation and therefore, they should be tried under Anti-Hazing Law and ang ini-implement natin dito or tina-try natin dito is we would like to deter the conduct of hazing or maltreatment.”
Itinuro rin ni Remulla ang mga testimonya ng mga dating manlalaro ng Ateneo na nagsasabing may mga kahalintulad na insidente ng muntikang pagkalunod noong 2016 sa parehong lugar, taliwas sa pahayag ni Baldwin na wala umanong nangyaring ganoong insidente noon.
Ayon kay Remulla, nagbigay pa si Baldwin ng mga payo kung paano haharapin ang rip current matapos niyang malaman na lima sa kanyang mga manlalaro ay hindi marunong lumangoy.
“Nakita namin na alam talaga niya. He was of full knowledge that this could possibly happen. Ang mahirap dito, paano mo tuturuan ang hindi marunong lumangoy ng mag-handle ng rip current?’’ ani Remulla.
Mahigit 620 pahina ng mga testimonya ang nagpapatunay na isinailalim ang mga manlalaro sa matinding kondisyon ng panahon at iba pang matitinding sitwasyon na nauwi sa pagkamatay ng dalawa, ayon kay Remulla.
Inuwi sa Nigeria noong Hunyo 22 ang mga labi ni Adili samantalang dinagsa ng mga nakiramay ang libing ni Baterbonia noong Hunyo 24 sa Talacogon Memorial Park sa Agusan del Sur.


