Sinuspinde ng Malacañang ang klase sa lahat ng antas at trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Metro Manila at anim na lalawigan simula alas-3 ng hapon nitong Miyerkules, August 5, dahil sa Tropical Storm Maymay at Habagat.
Saklaw ng Memorandum Circular No. 121 ang National Capital Region, Abra, Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan at Zambales.
Inilabas ang suspensiyon sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council dahil sa inaasahang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.
Magpapatuloy naman ang operasyon ng mga ahensiyang nagbibigay ng basic at health services, disaster preparedness at response, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Maaaring magpatupad ang mga local chief executive ng localized suspension sa iba pang lugar. Nasa pagpapasya naman ng mga pinuno ng pribadong kumpanya at opisina ang pagsususpinde ng kanilang trabaho.
Epekto ito ng bahagyang paglas ng Tropical Storm Maymay, na may international name na Kujira, habang mabagal at pabago-bago ang galaw sa karagatang kanluran ng Ilocos Sur.
Alas-1 ng hapon, namataan ang sentro nito 160 kilometro kanluran-timog-kanluran ng Sinait, Ilocos Sur.
Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 75 kilometers per hour, pagbugsong 90 kph at central pressure na 996 hectopascals. Mabagal itong kumikilos pahilagang-silangan habang umaabot hanggang 180 kilometro mula sa sentro ang strong to gale-force winds.
Nakataas ang Signal No. 2 sa Ilocos Sur; northern at central La Union; northwestern Pangasinan; southwestern Abra; western Mountain Province; at northwestern Benguet.
Posible sa mga lugar na ito ang 62 hanggang 88 kph na hangin na may minor hanggang moderate threat sa buhay at ari-arian.
Signal No. 1 naman sa Ilocos Norte; nalalabing bahagi ng La Union, Pangasinan, Abra, Mountain Province, at Benguet; Apayao, Kalinga, Ifugao, mainland Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya; at ilang bahagi ng Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, at Aurora.
Nagbabala rin ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ng strong to gale-force gusts sa malaking bahagi ng bansa. Nakataas ang Gale Warning sa western seaboard ng Northern Luzon, habang maaaring umabot sa limang metro ang alon sa Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.
Maaaring mag-landfall ang Maymay sa Ilocos Sur o La Union ngayong gabi o sa madaling araw ng August 6 bago tumawid sa Northern at Central Luzon.
Inaasahang hihina ito bilang tropical depression sa Huwebes ng umaga at posibleng maging LPA sa hapon o gabi. /Bistado


