Humina na bilang tropical depression ang Bagyong Josie, international name Haishen, at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Martes ng hapon o gabi, July 14.
Sa Tropical Cyclone Bulletin No. 2 na inilabas alas-11 ng umaga, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na namataan si Josie alas-10 ng umaga sa layong 1,070 kilometro silangan ng southeastern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging 45 kilometro kada oras at pagbugsong 55 kilometro kada oras. May central pressure itong 1006 hectopascals.
Kumikilos si Josie pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras. Umaabot hanggang 480 kilometro mula sa sentro ang malalakas hanggang gale-force na hangin nito.
Walang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) sa bansa. Mababa rin ang posibilidad na direktang maapektuhan ni Josie ang lagay ng panahon sa buong forecast period.
Gayunman, magdadala ang Southwest Monsoon o Habagat ng malalakas hanggang gale-force na pagbugso ng hangin, lalo na sa mga baybayin at matataas na lugar na lantad sa hangin.
Ngayong Martes, apektado ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.
Sa Miyerkules, July 15, makararanas nito ang Ilocos Region, Abra, Apayao, Zambales, Bataan, Batanes at Babuyan Islands. Sa Huwebes, July 16, apektado naman ang Ilocos Region, Abra, Apayao, Batanes at Babuyan Islands.
Nagbabala rin ang Pagasa sa maalon na karagatan sa ilang bahagi ng Luzon sa loob ng 24 oras.
Aabot sa tatlong metro ang mga alon sa kanluran at hilagang baybayin ng Babuyan Islands, hilagang-kanlurang Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union.
Pinayuhan ang maliliit na sasakyang-pandagat, kabilang ang lahat ng uri ng motorbanca, na huwag pumalaot sa mga lugar na ito, lalo na ang mga walang sapat na karanasan o kulang sa kagamitan.
Aabot naman sa 2.5 metro ang alon sa natitirang baybayin ng Pangasinan, Zambales, at hilaga at kanlurang Batanes.
Posible ang dalawang metrong alon sa kanlurang Bataan at Batangas, hilagang-kanlurang Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Islands, hilagang-kanlurang Calamian Islands at Kalayaan Islands, at natitirang baybayin ng Batanes.
Pinag-iingat ang mga motorbanca at kahalintulad na sasakyang-pandagat at pinapayuhang iwasan muna ang paglalayag kung posible. Mas mababa sa dalawang metro ang inaasahang alon sa ibang baybayin.
Inaasahang liliko si Josie pahilagang-silangan at hihina bilang low pressure area sa loob ng 12 oras dahil sa hindi paborableng kondisyon.
Binigyang-diin ng Pagasa na posible pa rin ang malakas na ulan at hangin sa labas ng forecast confidence cone.
Pinayuhan ang publiko at mga tanggapan ng disaster risk reduction and management na gumawa ng kinakailangang mga hakbang upang protektahan ang buhay at ari-arian. /Bistado


