Kahit marami ang medyo na-shock sa “living funeral” na ginawa ng sikat na comedian na si ate Gay, well-received naman ng mga taong nagsasabing ang “death” ay isang bagay na dapat ding pinaghahandaan ng lahat.
Si Ate Gay na Gil Aducal Morales ang tunay na pangalan ay nagdaos ng “living funeral” last October 15, 2026, sa Forest Lake Memorial Parks in Biñan, Laguna.
Ang naging pangunahing dahilan kung bakit ginawa yun ng kilalang komedyante ay dahil sa pinagdaraanan nitong kondisyon sa kanyang kalusugan.
Simula nang ng ma-diagnose si Ate Gay na may Stage 4 mucoepidermoid carcinoma (cancer) noong September 2025, naging masidhi na ang paglaban nito sa sakit at pagnanasa nitong mabuhay pa.
“Mas nanaisin ko nang malaman at marinig ang nais na sabihin o ibahagi ng mga taong nag-matter sa akin habang may maayos pa akong pandinig, pang-unawa at naririnig at nararamdaman ko pa sila,” ang bahagi ng sinabi ni ate Gay sa naturang event.
Ang na-organisang event ay tunay namang pinag-usapan at naging madamdamin para sa mga taong nakasama, nakilala at mahal ni komedyante hanggang sa mga sandaling lumalaban siya sa kanyang kanser.
Kumpleto ang set up ng “living funeral” kung saan bukod sa magagandang mga bulaklak, mga ilaw na animo’y nasa isang kingdom na maaliwalas, mga dekorasyong puti at may background music pang very solemn na eventually daw ay naging riot sa katatawanan dahil sa pagbabahagi ng ilang mga kapamilya at mga kaibigan ng mga istorya nila tungkol kay ate Gay.
Imbes na traditional coffin ang nasa gitna, nakaupo sa isang bonggang sofa si ate Gay, na may mga portraits sa kanyang likod kung saan pulos masasaya at mga nakahalakhak na mukha ng komedyante ang makikita.
Bukod sa mga kaanak at kapamilya ng komedyante, ang ilan sa mga dumalo at nagbigay ng kanilang “live eulogy” para kay Ate Gay ay sina comedian Boobsie Wonderland at ang content creator na si Arman Salon.
Marami namang netizen ang parehong natuwa at nalungkot sa naturang “living funeral” event ni ate Gay pero lubos daw nilang nauunawaan ang mga ganitong hakbang sa panahon ngayon.


