Pinag-uusapan ang naging guesting ni Alden Richards sa Gandang Gabi Vice last Sunday sa bago nitong tahanan sa GMA 7.
Maraming nagulat sa tila mas mapangahas at matapang na pagbabahagi ng box-office star at Kapuso King ng mga baga-bagay sa kanyang buhay.
At 34, inamin nitong dalawang beses pa lang siyang nagkaroon ng seryosong relasyon at pulos hindi pa taga-showbiz.
“Siguro hindi ko pa talaga nahahanap yung tamang pag-ibig para sa akin. At baka nga hindi sapat yung mayroon akong pag-ibig sa sarili ko para ibahagi sa iba,” ang emosyonal nitong nasambit bago siya tuluyang humagulgol ng pag-iyak.

Ayon mismo kay Vice Ganda na siyang host ng show, binalak na niyang hindi ituloy ang interview dahil nag-breakdown na nga ang aktor na inabot ng halos ten minutes na tuloy tuloy na umiiyak.
Pero dahil daw sa matapang at tila may nais na patunayan ang aktor, itinuloy nila ang show.
“Sa Iwant mapapanood ninyo ang no cut, no filter na usapan,” tsika pa ni Vice
Ilan sa mga mapangahas na revelation ng aktor sa pilot episode ng GGV sa Kapuso channel ay yung “na-try” na daw nito ang halos lahat ng public CR (comfort rooms) sa mga gas stations sa Edsa.
Noong bata pa daw kasi siya ay na-experience niyang “madumi” sa kanyang salawal at simula daw noon kapag nararamdaman niya ang pagsakit ng tiyan dahil sa dami ng kinain, hindi daw talaga niya pinipigilan ang “ilabas” ito kahit nasaan siya.
“Kaya po yung mga CR sa mga gasolinahan diyan sa Edsa, natatakan ko na ang mga iyan,” ang natatawa pa nitong rebelasyon.
Marami din ang nagulat sa kakaibang pagkain ng pancit ni Alden na nilalagyan ng ketchup. Kahit nga daw ang ano mang food na trip niyang lagyan ng ketchup ay kanyang kinakain.
Pero ang tila naka-bother daw sa mga humahanga sa pagiging disente at prim and proper ng aktor ay ang tila “barubal”na nitong pananalita at pagsagot ngayon.
“Bully, pasaway, makulit, may ADHD,” ang ilan pa sa mga rebelasyon ni Alden tungkol sa kanyang sarili.
Sa isang bahagi ng pakikipag-harutan ni Alden kina Vice at mga co-hosts nitong sina Divine Teat at Verna, marami ang nagulat sa sinasabi nilang pagiging bastos na din ng bibig ni Alden.
“Granting na sinakyan lang niya ang kabalbalan ng mga bading at isang babaeng palaban (Verna), pero yung lengguwahe niya, grabe, hindi si Alden yun. Kung ang layunin ng show ay yung palabasin ding game si Alden sa mga ganung balahuraan at bastusan, puwes naging successful sila,” sigaw ng mga netizen na gulat na gulat sa bagong Alden.
Kahit ang usapin sa pagkakaroon nito ng mga sex toys dati ay ikinagulat din ng marami though at 34, normal at natural naman daw sa isang binata ang pagdaanan ito.
Pero ang higit na pinag-uusapan ng netizen ay ang pag-deny nito na may sinapak siyang tao dahil sa tinawag siyang bading.
Although hindi naman daw yun nangyari kahit kailan, marami ang kumukunek ng naturang tanong o spiel na tila unti unti na daw yatang binubuking o pinaghahandaan ang noon pa maý tsismis sa aktor na isa umano itong “bading.”
Muling mapapanood si Alden sa “Love, Siargao” at sa papalapit nitong sport event this October.


