LEGAZPI CITY – Malaking tulong ang artificial intelligence (AI) para pabilisin ang trabaho, palakasin ang digital skills at palawakin ang merkado ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Bicol, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sa press conference nitong Miyerkoles, sinabi ni DTI Assistant Secretary Grace Baluyan na dapat ituring ang AI bilang katuwang sa negosyo at hindi kapalit ng entrepreneur.
“AI is a tool. Use it to lessen the burden,” ani Baluyan.
Puwedeng gamitin ng MSMEs ang teknolohiya sa paggawa ng inventory reports, pagbuo ng marketing strategies at pag-aaral ng impormasyong kailangan bago magpasya sa negosyo.
Kasabay nito, nagbibigay ang DTI ng coaching at mentoring programs para makonsulta ng entrepreneurs ang mga eksperto bago gumawa ng malalaking desisyon.
“For a businessman, making decisions is a long process. Sometimes what you need is just an affirmation,” dagdag ni Baluyan.
Patuloy ding nakikipagtulungan ang DTI sa ibang government agencies at private partners para palawakin ang capability-building programs sa digital transformation.
Sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) South Luzon Area Vice President Hoover Picar na lumagda ang grupo sa memorandum of understanding para maturuan ng digital economy consultants ang tinatayang 1,000 MSMEs sa buong bansa.
Sa unang bahagi ng programa, target ang 300 hanggang 500 MSMEs sa Luzon, 200 hanggang 300 sa Visayas at 100 hanggang 300 sa Mindanao.
Bukod sa digital mentoring, itinulak ni Picar ang cyber hygiene training bilang proteksiyon laban sa online scams, pekeng impormasyon at cyber threats.
“What we do is teach MSMEs how to detect fake information on digital platforms. Don’t make decisions when you’re being rushed,” ani Picar.
Iginiit niyang mahalagang matutong gumamit ng digital technology ang mga negosyong Pilipino para manatiling competitive.
Ayon kay DTI Bicol Regional Director Dindo Nabol, kumukuha ang ahensiya ng local experts para sa technology at digital training ng MSMEs.
“We outsource training because we have many experts here in Bicol. There’s no need to spend more when we already have competent resource persons in the region,” ani Nabol.
Sa Albay, nakipagpartner ang DTI sa Bicol University. Sasanayin ng Information Technology Department nito ang MSMEs sa digitalization at digital marketing sa ilalim ng memorandum of agreement na ipatutupad sa mga susunod na araw.
Tumutulong din ang graduating industrial design students ng unibersidad sa product design, packaging at labeling. Kapalit nito, nakakakuha sila ng praktikal na karanasan sa pakikipagtrabaho sa business owners.
Sa Camarines Sur, katuwang ng DTI ang isang logistics firm para tulungan ang 10 food-processing MSMEs na makumpleto ang United States Food and Drug Administration (US FDA) registration, na kailangan para makapagbenta sa Amazon.
Inihahanda rin ang ikalawang batch para sa non-food products, kabilang ang Hinagom textiles ng Buhi, Filipiniana garments at locally made bags.
Sa Catanduanes, patuloy ang digitalization seminars at pagsasanay sa paggamit ng Canva para sa product labeling, design at photography.
Kabilang naman sa province-specific programs ang Bicol Rodeo Academy ng Masbate, pinalawak na shared service facilities para sa jewelry at cacao sa Camarines Norte, at “Manila Buyers to Sorsogon” program na nag-uugnay sa buyers at lokal na MSMEs. /Bistado


