Tinatayang 820,000 deboto ang nakiisa sa traslacion procession ng Peñafrancia Festival 2026 sa Naga City, Camarines Sur nitong Biyernes ng gabi, September 11, ayon sa Police Regional Office 5 (PRO-5).
Sinabi ni PRO-5 Director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio na naging mapayapa, maayos at generally secure ang prusisyon sa kabila ng napakalaking bilang ng mga dumalo.
Nagdeploy ng mga pulis sa strategic areas, partikular sa mga lugar na posibleng magkaroon ng matinding crowd congestion.
Gumamit din ang mga awtoridad ng placards at public reminders upang paalalahanan ang mga deboto na bantayan ang kanilang mga gamit, uminom ng sapat na tubig, manatiling kasama ang kanilang mga ka-grupo at agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad o emergency.
Sa ilalim ng Oplan Bandillo, nagpakalat din ang mga pulis ng safety reminders at advisories habang nagpapatuloy ang traslacion.
Naglagay ng CCTV cameras at gumamit ng drones sa strategic areas upang mabantayan ang galaw ng crowd in real time.
Gumamit din ng Starlink devices upang mapanatili ang komunikasyon ng police units, lalo na sa mga lugar na maaaring humina o ma-congest ang conventional communication networks dahil sa dami ng tao.
“The peaceful and orderly conduct of the traslacion is a shared accomplishment. We thank our devotees, the Bicolano community, our partner agencies, local government units, force multipliers and volunteers for their cooperation and support,” ani Silvio.
“The success of our security operations reflects our collective determination to protect our people while allowing our devotees to observe this important religious tradition safely and peacefully.”
Magpapatuloy ang security operations hanggang sa pagtatapos ng Peñafrancia Festival, na tampok ang fluvial procession sa Naga River sa Sabado, September 19.
Ipinagdiriwang ang festival bilang pagpupugay sa patroness ng Bicol na ang Our Lady of Peñafrancia, na tinatawag ng mga deboto na “Ina.” Itinuturing itong pinakamalaking Marian event sa Asia. /Bistado


