TAIPEI CITY — Sampung agri-startup at micro-agripreneur mula sa Pilipinas ang sumabak sa Taiwan Smart Agriweek 2026 upang ipakilala ang kanilang mga produkto at teknolohiya sa mga mamimili, mamumuhunan at potensyal na kasosyo mula sa Taiwan at iba pang bansa.
Target ng delegasyon na makapasok sa mga bagong merkado, makahikayat ng puhunan, bumuo ng mga ugnayan sa teknolohiya at mapalawak ang kanilang mga negosyo.
Inorganisa ang delegasyon ng Department of Agriculture–Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS), katuwang ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) at Philippine Trade and Investment Center (PTIC)–Taipei.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalagang mailapit sa pandaigdigang merkado ang mga umuusbong na negosyong pang-agrikultura ng Pilipinas upang makakuha sila ng kapital at mga kasosyong kailangan sa paglago.
“Ang pagdadala ng ating mga agri-startup sa Taiwan at iba pang pandaigdigang merkado ay nagbubukas ng mga oportunidad para sa pamumuhunan, teknolohiya, pag-export, at mga komersyal na pakikipagtulungan. Makakatulong ang mga oportunidad na ito upang mapalawak ang mga patok na negosyong Pilipino habang lumilikha ng mas malaking halaga at oportunidad para sa ating mga magsasaka, negosyante, at manggagawa,” ani Tiu Laurel.
Apat sa 10 kalahok ang napabilang sa Top 40 finalists ng Global Agrifood Innovation Championship mula sa daan-daang aplikante.
Kabilang dito ang PHYTOSPHERE Agro-Biotech Processing Enterprise, na gumagawa ng botanical pesticides at agricultural inputs, at WamPLVS+, na ginagawang WamPow—isang natural na preservative at additive—ang balat at panloob na bahagi ng balat ng pakwan.
Kasama rin ang Farmyra Technologies Corp., na gumagamit ng automation at data analytics para sa mas matalino at episyenteng pagsasaka, at PETROTECHS, na bumuo ng MusselFlex device at digital platform upang mabawasan ang manwal na paggawa at maiugnay ang mga producer sa mga mamimili at impormasyon sa merkado.
Kumpleto sa delegasyon ang Mira’s Food and Agriventure Inc., Bluecrust Processed Food Manufacturing, Eco-Pure Cleaning Solutions, Jeepney Republic TW, Ferncrest Dairy Farm at Kuya Bs Mushroom Products.
Sa pamamagitan ng eksibisyon, direktang nasusukat ng mga startup ang interes sa kanilang mga produkto, nakakakuha ng feedback at nakakahanap ng posibleng kliyente, investor at technology partner.
Kasabay nito ang Philippines–Taiwan Investment Forum, kung saan maaaring iharap ng mga kalahok ang kanilang negosyo sa mga importer, mamumuhunan, grupo ng industriya, kapwa startup at business leaders mula sa Taiwan. Nakasentro ang forum sa pamumuhunan, market entry, technology cooperation at commercial partnerships.
Ayon kay PTIC–Taipei Trade Representative Anthony Rivera, nakalikha ang aktibidad ng mga bagong trade lead mula sa Taiwanese importers na interesado sa mga produktong Pilipino, pati ng mga posibleng kasunduan sa smart agriculture, teknolohiya at pamumuhunan.
“Hangad natin na ang platapormang ito ay magsilbing isa pang tulay para sa kooperasyong pang-agrikultura sa pagitan ng Maynila at Taipei, na mag-uugnay sa mga makabagong ideyang pang-agrikultura ng mga Pilipino sa pamumuhunan, mga produktong Pilipino sa mga pandaigdigang merkado, at sa ating mga magsasaka, negosyante, at manggagawa sa mas maraming oportunidad sa buong agricultural value chain,” ani DA Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra.
Layunin ng DA na maitulak ang mga promising agricultural innovation bilang mga negosyong kayang palakihin at ilaban sa pandaigdigang merkado, habang nagbubukas ng dagdag na puhunan at oportunidad para sa sektor ng agrikultura. /Bistado


