Malakas na ulan ang nagbabanta hanggang Biyernes sa malaking bahagi ng Luzon at ilang lugar sa Visayas dahil sa Habagat at trough ng Tropical Depression Krovanh.
Ayon sa 5 a.m. advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Miyerkules, September 9, maaaring tumanggap ang ilang lalawigan ng 50 hanggang 100 millimeters (mm) ng ulan, habang posibleng umabot sa 200 mm ang buhos sa Occidental Mindoro sa Biyernes.
Ngayong Miyerkules, 50 hanggang 100 mm ng ulan mula sa habagat ang inaasahan sa Tarlac, Zambales, Bataan, Pampanga, Pangasinan, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.
Occasional rains naman ang mararanasan sa Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.
Dahil sa trough o extension ng Tropical Depression Krovanh, katamtaman hanggang malakas na ulan na aabot din sa 50 hanggang 100 mm ang maaaring bumuhos sa Ilocos Sur, La Union, Benguet, Quirino, Isabela at Aurora ngayong araw.
Makakaranas ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Aurora ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.
Sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Aklan at Antique, magiging maulap din na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa habagat. Bahagyang maulap hanggang maulap naman na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms ang nalalabing bahagi ng Visayas.
Mas mainit na panahon ang inaasahan sa Mindanao.
Sa Huwebes, 50 hanggang 100 mm ng ulan mula sa habagat ang nakikita sa Nueva Ecija, Zambales, Tarlac, Pampanga, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, Camarines Sur at Catanduanes.
Dahil naman sa trough ng Krovanh, katamtaman hanggang malakas na ulan na 50 hanggang 100 mm ang posibleng tumama sa Pangasinan, La Union, Nueva Vizcaya, Aurora, Isabela, Quirino, Benguet at Ifugao.
Pagsapit ng Biyernes, Setyembre 11, posibleng lumakas pa ang ulan sa Occidental Mindoro at umabot sa 100 hanggang 200 mm.
Samantala, 50 hanggang 100 mm ang forecast sa Pangasinan, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, Laguna, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Aklan at Antique.
Nagbabala ang Pagasa na maaaring mas mataas ang dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Maaari ring lumala ang epekto nito sa mga lugar na nakaranas na ng malaking pag-ulan. /Bistado


