Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pacquiao bagong anti-poverty czar ni PBBM

Pinanumpa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si boxing icon at dating Senador Emmanuel “Manny” D. Pacquiao bilang bagong Kalihim at Lead Convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).

Pinangasiwaan mismo ni Marcos ang panunumpa ni Pacquiao sa isang pribadong seremonya sa Malacañang Palace nitong Martes, Setyembre 8.

Pinalitan ni Pacquiao si Lope B. Santos III, na nagsilbing Kalihim at Lead Convenor ng NAPC mula Enero 31, 2023.

Kasunod ang kanyang pagkakatalaga sa pagbabalik ng administrative supervision ng NAPC sa Office of the President (OP) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bilang Lead Convenor, pangungunahan ni Pacquiao ang mga pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang mga programa para sa poverty reduction at social reform.

Nagsisilbing coordinating at advisory body ng pamahalaan ang NAPC para sa repormang panlipunan at paglaban sa kahirapan. Kabilang sa mga tungkulin nito ang pangangasiwa sa Social Reform Agenda (SRA), pagpapalakas ng anti-poverty policies at pagsusulong ng partisipasyon ng basic sectors sa pamamahala at development.

Sa ilalim ng Republic Act No. 8425 o Social Reform and Poverty Alleviation Act of 1997, inaatasan din ang NAPC na bumuo at magpatupad ng National Anti-Poverty Action Agenda (N3A).

Gumagamit ang N3A ng multidimensional approach sa kahirapan na sumasaklaw sa social, economic, environmental at governance concerns upang matukoy ang kinakailangang government interventions.

Sa ilalim naman ng Republic Act No. 11291 o Magna Carta of the Poor, tungkulin ng NAPC na bumuo at magpatupad ng National Poverty Reduction Plan.

Nakatuon ang plano sa limang pangunahing karapatan ng mahihirap: sapat na pagkain, disenteng trabaho, makabuluhan at dekalidad na edukasyon, sapat na pabahay at pinakamataas na antas ng kalusugan na maaaring makamit. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles