Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

550K nadagdag sa jobless Pinoys; unemployment sumipa sa 6%

Nadagdagan ng 550,000 ang mga Pilipinong walang trabaho sa loob lamang ng isang buwan, dahilan upang sumirit sa 6.0 porsiyento ang unemployment rate noong July 2026.

Batay sa preliminary results ng Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 3.14 milyon ang unemployed Filipinos—mas mataas sa 2.59 milyon noong June at kaparehong buwan noong 2025.

Ito rin ang pinakamataas na bilang ng jobless Pinoys mula noong December 2021, nang umabot sa 3.284 milyon ang walang trabaho. Ang 6.0-porsiyentong unemployment rate ang pinakamataas sa loob ng apat na taon, matapos ang 6.4 porsiyento noong Enero at Pebrero 2022.

Mas mataas ang July unemployment rate kaysa 4.9 porsiyento noong June, 5.3 porsiyento noong July 2025 at 4.7 porsiyento noong April 2026.

Kasabay nito, tumaas sa 63.6 porsiyento ang labor force participation rate (LFPR), mula 60.7 porsiyento isang taon ang nakalipas at 62.7 porsiyento noong April. Katumbas ito ng 52.36 milyong Pilipinong edad 15 pataas na nagtatrabaho o aktibong naghahanap ng trabaho.

Gayunman, mas mababa ito sa 65.1 porsiyento o 53.25 milyong nasa labor force noong June.

Nasa 49.21 milyon ang may trabaho noong July—mas mataas sa 46.05 milyon noong nakaraang taon, ngunit mas mababa sa 50.66 milyon noong June. Bumaba ang employment rate sa 94.0 porsiyento mula 95.1 porsiyento noong June.

Pinakamalaking pinagkukunan ng trabaho ang services sector, na may 62.8 porsiyento ng lahat ng employed. Sumunod ang agriculture sa 19.7 porsiyento at industry sa 17.5 porsiyento.

Pinakamalaking taunang dagdag sa trabaho ang naitala sa agriculture and forestry na may 1.03 milyon, accommodation and food services na may 729,000, at wholesale and retail trade at motor-vehicle repair na may 424,000.

Nanguna naman sa pagkawala ng trabaho ang manufacturing na nabawasan ng 134,000, information and communication na lumiit ng 41,000, at professional, scientific and technical activities na bumaba ng 28,000.

Wage and salary workers ang 66.1 porsiyento ng workforce, habang 27.2 porsiyento ang self-employed na walang binabayarang empleyado. Nasa 4.7 porsiyento ang unpaid family workers at 2.0 porsiyento ang employers sa sariling family-operated farm o negosyo.

Bumaba rin sa 40.6 oras ang average na oras ng trabaho kada linggo mula 42 oras noong July 2025. Tinatayang 59,000 employed Filipinos ang nakapagtrabaho nang eksaktong isang oras lamang sa buong reference period.

Davao Region ang may pinakamataas na employment rate sa 96.1 porsiyento, habang pinakamababa ang National Capital Region (NCR) sa 91.8 porsiyento.

Anim na rehiyon ang lumampas sa 6.0-porsiyentong national unemployment rate: NCR sa 8.2 porsiyento, Bicol Region sa 8.0 porsiyento, Ilocos Region sa 7.0 porsiyento, Central Visayas sa 6.3 porsiyento, Caraga sa 6.15 porsiyento at Region IV-A o Calabarzon sa 6.07 porsiyento.

Samantala, bumaba sa 12.9 porsiyento ang underemployment mula 14.8 porsiyento noong Hulyo 2025 at 15.2 porsiyento noong Abril. Gayunman, katumbas pa rin ito ng 6.33 milyong manggagawang naghahanap ng dagdag na oras, karagdagang trabaho o bagong trabahong may mas mahabang oras.

Sa mga kabataang edad 15 hanggang 24, tumaas sa 33.7 porsiyento ang labor force participation. Bahagyang bumaba naman sa 81.4 porsiyento ang kanilang employment rate, habang lumiit sa 15.2 porsiyento ang bahagdan ng “youth not in education, employment or training” mula 15.9 porsiyento noong nakaraang taon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles