Nanawagan ang grupong Seniors Kontra Kurakot na pabilisin ang pamamahagi ng P10,000 cash gift sa mga senior citizen na edad 80, 85, 90 at 95, kasabay ng pagtalakay ng House Committee on Appropriations sa panukalang 2027 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Martes, September 8.
“Hindi dapat naghihintay nang ilang buwan. Bilisan ang proseso. Ibigay na habang nabubuhay,” panawagan ng grupo.
Bukod sa mas mabilis na pagbibigay ng cash gift, hiniling din ng Seniors Kontra Kurakot na dagdagan ang pondo para sa Social Pension for Indigent Senior Citizens upang maisama ang mga kwalipikadong nakatatanda na hindi pa nakatatanggap umano dahil sa kakulangan ng pondo.
“Bigyang dignidad ang nakatatanda. Maagap na ipatupad ang mga benepisyo para sa amin na walang pagtatangi,” giit ng grupo.
“Pondo para sa serbisyo hindi sa bulsa ng mga pulitiko!” dagdag nito.
Kasabay nito, iniharap ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa House Committee on Appropriations ang panukalang P241.2 bilyong budget ng departamento, kabilang ang attached at supervised agencies nito, para sa fiscal year 2027.
Sa budget hearing na pinamunuan ni Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing, sinabi ni Gatchalian na nakapagtala ang DSWD ng halos 100 porsiyentong utilization rate sa P265 bilyong pondong inilabas para sa ahensya noong 2025. /Bistado


