Hindi makahahadlang sa pagtupad ng Office of the President (OP) sa mga pangunahing tungkulin nito ang panukalang 64 porsiyentong bawas sa badyet para sa 2027, tiniyak ni Executive Secretary Ralph Recto nitong Linggo, September 6.
P10.15 bilyon ang hinihinging pondo ng OP para sa susunod na taon, mas mababa sa P28.03 bilyong inilaan dito ngayong 2026.
Ayon kay Recto, kaugnay ang mas mababang panukalang badyet sa pagpapasimple ng operasyon ng 49 delivery unit ng OP at pagtatapos ng mga aktibidad para sa pagho-host ng Pilipinas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong taon.
“We are asking for less while remaining fully prepared to do more,” ani Recto sa isang pahayag.
Katumbas lamang ng humigit-kumulang 0.14 porsiyento ng panukalang P7.2 trilyong pambansang badyet ang hinihinging pondo ng OP.
Gayunman, sapat umano ito para suportahan ang araw-araw na tungkulin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kabilang ang mga pulong ng gabinete, konsultasyon sa mga polisiya, opisyal na aktibidad at koordinasyon ng mga ahensiya.
Popondohan din nito ang pagtugon ng pamahalaan sa mga emergency, paghahatid ng ayuda sa mga bulnerableng sektor, pagsubaybay sa mga planong pang-ekonomiya at pagprotekta sa pambansang interes.
Sa panukalang badyet, P7.46 bilyon o 74 porsiyento ang nakalaan sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).
Mapupunta naman ang P1.86 bilyon o 18 porsiyento sa Personnel Services at P839 milyon o walong porsiyento sa Capital Outlay.
Binigyang-diin ni Recto na hindi nangangahulugang mababawasan ang mga kailangang gampanan ng OP dahil lamang mas maliit lamang ang hinihingi nitong pondo.
“Every day, the President’s schedule is full because the demands of governing do not pause. But activity alone is not our measure of performance,” sabi niya.
Sa halip, titiyakin umano ng OP na may konkretong pakinabang ang mga polisiya, pulong, opisyal na aktibidad at misyon nito. Kabilang dito ang paglikha ng trabaho, pagpasok ng pamumuhunan, mas matatag na pambansang seguridad at mas maayos na serbisyo publiko.
Inendorso ng Committee on Appropriations ng House of Representatives ang P10.15 bilyong panukala noong Setyembre 1 matapos bumoto ang mga mambabatas na tapusin ang deliberasyon bilang “institutional and inter-branch courtesy.”
Ayon kay Recto, inihanda ang panukalang badyet alinsunod sa mga patakaran at proseso ng Department of Budget and Management (DBM).
“We sought no special treatment,” giit niya. /Bistado


