Pitong matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang inilipat ng puwesto sa pinakabagong balasahan, kabilang ang mga hepe ng dalawang police district sa National Capital Region (NCR).
Itinalaga si Eastern Police District (EPD) Director Brig. Gen. Melecio Buslig Jr. bilang bagong chief ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO).
Papalitan naman siya ni Brig. Gen. Roman Arugay, na dating nakatalaga sa Office of the PNP Chief, bilang EPD director.
Si Southern Police District (SPD) Director Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco ay iniluklok bilang chief ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA). Si Brig. Gen. Rodel Pastor ang hahalili sa kanya bilang SPD director.
Ang FEO, isang specialized unit sa ilalim ng PNP Civil Security Group (CSG), ang nangangasiwa sa legal na pagmamay-ari, pagkontrol at paggamit ng mga baril at pampasabog sa bansa.
Ang SOSIA, na nasa ilalim din ng CSG, ang namamahala sa regulasyon, paglilisensya at pagsubaybay sa mga pribadong security agency.
Samantala, itinalaga bilang chief ng Human Rights Affairs Office si Police Regional Office-Eastern Visayas Director Brig. Gen. Jason Capoy.
Papalitan si Capoy ni Brig. Gen. Romano Cardiño, na siya namang magpapasa ng pamumuno sa Police Regional Office-Negros Island Region kay Brig. Gen. Rudecindo Reales.
Magkakabisa ang balasahan sa Setyembre 7. /Bistado


