Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Barangay chairman, 2 pa timbog sa serye ng gun raids sa Visayas

Arestado ang isang barangay chairman at dalawa pang lalaki matapos makumpiskahan ng iba’t ibang baril, bala at fragmentation grenade sa magkakahiwalay na operasyon sa Samar, Iloilo at Capiz mula September 1 hanggang 3.

Sa Barangay Mabuhay, Sta. Margarita, Samar, ipinatupad ng Regional Task Force (RTF) “KAMURAYAW” at iba pang police units ang search warrant noong Setyembre 1 laban sa 38-anyos na barangay chairman na itinago sa alyas na “Naldo.”

Nasamsam sa operasyon ang isang .45 caliber pistol, dalawang magazine na may 13 bala, at isang M16 rifle na burado ang serial number at may magazine na kargado ng 20 bala ng 5.56 ammunition.

Nabigo umano si “Naldo” na magpakita ng dokumentong nagpapatunay na legal niyang hawak ang .45 caliber pistol. Inisyu ng Regional Trial Court ng Calbayog City noong Agosto 24 ang search warrant.

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sa Barangay Jibolo, Janiuay, Iloilo, isa pang lalaki ang naaresto nang ipatupad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga katuwang na police unit ang search warrant noong Setyembre 2.

Nakuha sa suspek ang isang .45 caliber pistol, .38 revolver, 12-gauge homemade shotgun, mga magazine at bala.

Sa Barangay Banica, Roxas City, Capiz, nadakip naman ang ikatlong suspek sa buy-bust operation noong Setyembre 3. Nasamsam sa kanya ang isang .45 caliber pistol, fragmentation grenade, magazine at mga bala.

Sinabi ng PNP na walang naipakitang kaukulang permit o lisensya ang tatlong suspek. Hindi rin umano nakarehistro sa PNP Firearms and Explosives Office (FEO) ang mga nakumpiskang baril.

Dinala ang mga suspek at ebidensya sa kinauukulang police units para sa dokumentasyon, wastong disposisyon at kaukulang legal na proseso. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles