May isang matinee idol na mukhang ibang level ang confidence sa kanyang moving-on era.
Ayon sa bulung-bulungan ng mga kabisto, isinama raw ni kuya ang current sweetheart sa isang island getaway. Sweet sana ang eksena. Kaso ang mas juicy na detail, ang resort na inuugnay sa kanilang lakad ay negosyo ng kanyang longtime ex at ng isang dating matinee idol na certified heartthrob pa rin hanggang ngayon.
The nerve!
Sa dami ng mapagpipiliang beach resort, bakit sa teritoryo pa raw ng ex? Parang hindi simpleng bakasyon ang peg kundi site inspection ng lumang pag-ibig, kasama ang bagong prospect.
Sa public sightings, namataan ang rumored pair sa parehong sikat na isla. Game silang nagpa-picture sa fans, naglakad nang magkasama, kumain sa isang restaurant, at may pa-sunscreen pa si matinee idol sa likod ni ategurl. Hindi naman nakumpirma kung sa mismong resort ng ex sila nag-check in, pero sapat na ang lokasyon para mag-alab ang group chats ng mga marites.
At hindi ito ang unang beses na magkasama silang nahagip ng publiko. Nauna na ang outreach activity, family-home sighting, church wedding, concert date, at Halloween party kung saan matching gothic couple pa ang costume nila.
Ang pinag-uusapang boutique resort ay kabilang sa mga negosyo ng longtime ex, katuwang ang isang dating matinee idol at iba pang business partners.
Clue? Ang lalaki ay galing sa sikat na showbiz clan at dating kalahati ng isang phenomenal love team. Ang current flame ay anak ng dalawang kilalang artista. Ang ex naman ay blockbuster queen na ngayo’y may sariling island investment.
Sa pag-ibig, may boundaries. Sa booking, mukhang wala?
Iyan muna, mga kabisto!


