MALABON CITY – Dalawang indibidwal ang naaresto matapos salakayin ng Land Transportation Office (LTO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang inuupahang lugar na umano’y ginagamit na pagawaan at imbakan ng mga pekeng plaka at dokumento sa Barangay Tugatog, Malabon City.
Isinagawa ang entrapment operation noong September 2 matapos makatanggap ang LTO ng impormasyon tungkol sa ilegal na paggawa at pagbebenta ng mga pekeng plaka at dokumento.
Bineripika at inimbestigahan ang impormasyon sa pangunguna ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante. Matapos makumpirma, nagsagawa ng entrapment ang LTO Law Enforcement Service at CIDG sa pangunguna ni Police Capt. Von Isaac Lagmay.
Naaktuhan umano ang dalawang suspek habang isinasagawa ang transaksyon. Narekober ang P500 marked money at limang pares ng pekeng plaka.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, natukoy ng mga awtoridad ang inuupahang lugar na umano’y ginagamit sa paggawa at pagtatago ng fake LTO plates at documents bago ipamahagi sa buyers. Kabilang sa mga ito ang pekeng driver’s licenses.
Personal ding nagtungo sa lugar si LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao para inspeksyunin ang mga nakumpiskang items at resulta ng operasyon.
Bahagi ang crackdown ng pagpapatupad ng Memorandum Circular No. MVL-2026-5314 laban sa paggawa, pagbebenta, at paggamit ng unauthorized plates at documents.
“Hindi ko hahayaang gamitin ang pangalan ng LTO sa mga ilegal na gawain. Hahabulin namin ang mga gumagamit, gumagawa, at nagbebenta ng pekeng plaka at dokumento at sisiguraduhing mananagot sila,” sabi ni Lacanilao.
“Gagawin namin ang aming trabaho, tuloy-tuloy kong pagbubutihin ang sistema ng LTO dahil walang puwang sa amin ang ganitong uri ng kalokohan,” dagdag niya.
Dinala ang mga naaresto at ebidensya sa CIDG-Anti-Organized Crime Unit para sa kaukulang proseso. Sumailalim din ang mga suspek sa pagsusuri ng PNP Forensic Group habang inihahanda ang mga kasong isasampa batay sa resulta ng imbestigasyon.
Pinayuhan ng LTO ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga nag-aalok ng pekeng plaka o dokumento at agad i-report sa ahensya ang mga kahina-hinalang transaksyon. /Bistado


