Ini-engganyo ng ilang malalapit niyang kaibigan si actress-host Gee Canlas na kasuhan din ang dati nitong asawang si Archie Alemania sa sinapit nitong physical, emotional and mental abuses.
Kahit daw nagkahiwalay na ang dalawa ay maaari pa ring sampahan ng kaso ni Gee ang dating ka-relasyon na isa ding kilalang comedian-actor-host.
Kamakailan lamang ay naglabasan ang mga interview ni Archie partikular sa vlog ni Ogie Diaz kung saan nagkukuwento ito ng latest update sa buhay niya.

Simula kasi ng mawalan ng trabaho ang aktor sanhi ng demandang isinampa dito ng kapwa Kapuso actress-singer na si Rita Daniela at alisin siya sa programang Bubble Gang ng GMA 7, naging inactive sa showbiz si Archie.
Sa kanyang latest panayam ay naikuwento nitong mas masaya siya at peace sa buhay at may maliit na negosyong pinagkaka-abalahan para masustentuhan ang mga anak.
Sa naturang panayam din niya dinetalye ang naging hiwalayan nila ni Gee kung saan sinabi nitong madalas silang mag-clash noong silaý nagsasama, “dahil pareho silang hari sa isang kaharian”.
Idinahilan din niya na kaya lamang niya nasasaktan si Gee ay dahil sa umano’y pagbubunganga nito at pamimilit na mag-react siya kapag sila ay may komprontasyon kahit mga simpleng argumento lamang gaya ng isang normal na mag-asawa.
Bunsod nito ay naglabas naman ng kanyang saloobin at reaksyon si Gee at kanyang kinontra at pinasinungalingan ang mga naging pahayag ni Archie.
Sagot ni Gee na handa niyang akuin at panagutan ang sarili niyang mga salita o aksyon habang nag-aaway sila, subalit hinding-hindi daw niya tatanggapin ang responsibilidad sa ginawang pananakit sa kaniya ni Archie.
Binigyang-diin din niya na mayroon siyang ebidensya sa lahat ng kaniyang isiniwalat, lalo na yung isang insidente nung Bagong Taon kung saan ni hindi siya sinamahan sa ospital ng kanyang asawa.
Katatapos lang umano ng kanilang pag-aaway nang sikmuraan siya ng asawa kung saan namilipit siya at hindi halos makahinga at nakiusap na dalhin siya sa ospital.
Sinamahan naman daw siya ng kanyang biyenang babae subalit agad ding iniwan sa ospital dahil may New Year’s party pa itong pupuntahan.
Sa kuwento ni Gee, nagkaroon siya ng ‘fractured ribs’ (2 bali sa tadyang) at mga pasa sa katawan. Hindi pa daw diyan kasama ang mental anxiety at trouble na kanyang pinagdaanan.
Pati ang insidente na hinampas siya ni Archie gamit ang isang stainless steel tumbler sa ulo ay naikuwento din ni Gee at ayon nga dito, sa lakas ng impact ay narinig niya ang tunog ng sarili niyang bungo.
May pag-akusa din si Gee ng dalawang beses na pagsakal sa kaniya noong magkasama pa sila.
Matatandaang kinumpirma ni Gee sa programang Fast Talk with Boy Abunda ang naging hiwalayan nila ni Archie noong March 2026.
Ayon sa actress-host, siya na ang kusang kumalas sa relasyon at umalis sa bahay nila dahil sa pakiramdam na “nauubos” na siya.
Samantala, sa parehong interview ni Archie ay mariin pa rin nitong itinatanggi na wala siyang kasalanan sa kasong ‘acts of lasciviousness’ na ikinaso sa kanya ni Rita Daniela noong Oct.2024.
Dahil nga daw sa naturang pangyayari ay nawalan siya ng trabaho at nagdulot ito ng mas maraming disadvantage sa kanyang buhay.
“Found guilty” ang naging hatol ng Bacoor court kay Archie noong Oct. 2025 at hinatulan siya ng isang buwan at isang araw na pagkakakulong, kasama na ang mga danyos civil at moral na kailangan niyang bayaran.
Ang ginamit na isa sa mga batayan ng korte na kanyang ‘text message’ na humihingi ng ápology’ kay Rita para patawan siya ng ‘guilty’ verdict ay tila kinokontra na din niya ngayon.


