Umigting ang usapin sa Tulong Dunong Program sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa proposed 2027 budget ng Commission on Higher Education (CHED) matapos kuwestiyunin kung patas ang distribusyon ng student aid at kung may papel ang mga mambabatas sa pagtukoy kung sino ang makikinabang.
Noong August 27, pinangunahan ni Makati District 1 Rep. Monique Q. Lagdameo, bilang presiding vice chair, ang deliberasyon sa proposed 2027 CHED budget. Bilang presiding officer, siya ang kumokontrol sa pagkilala sa mga mambabatas, pagpapatuloy ng pagtatanong, at suspensyon o muling pagsisimula ng hearing.
Humingi ang CHED, sa pamumuno ni Chairperson Shirley Agrupis, ng suporta para sa P35.453-billion allocation nito sa 2027 National Expenditure Program at karagdagang P34.830 billion. Layunin umano ng dagdag na pondo na mapanatili ang scholarships at existing commitments, palakasin ang higher education institutions, at mas iayon ang degree programs sa nagbabagong pangangailangan ng industries.
Sa hearing, tinanong ni Caloocan Rep. Edgar Erice kung paano naipamamahagi nang patas ang Tulong Dunong allocations alinsunod sa UniFAST Act.
Ipinaliwanag ng CHED na karaniwang sinusuportahan ang programa ng allocations na inilalagay ng mga congressman. Dito nagbabala si Erice na maaaring magmukhang pork barrel at magkaroon ng constitutional problem kung politicians ang nagdedetermina ng beneficiaries.
Pero sa mismong bahagi ng pagtatanong tungkol sa equitable distribution, sinuspinde ni Lagdameo ang hearing. Sa video ng hearing, narinig siyang nagsabi kay Erice: “Sabi mo kanina, Cong, hindi ka na magtatanong, eh.”
Makalipas ang humigit-kumulang apat na minuto at 45 segundo, nag-resume ang deliberations. Hindi na tuluyang nalutas sa bahaging iyon ng pampublikong diskurso ang constitutional question. Sa halip, humingi si Erice ng statistical distribution para sa 2026 at allocation plan para sa 2027 bago ang plenary deliberations.
Malaking pondo ang nakataya sa Tulong Dunong. Naglabas ang Department of Budget and Management ng P2.7 billion para sa 175,260 grantees noong 2019 at P3.744 billion para sa 247,135 grantees noong 2024.
Itinaas din ng Kongreso ang 2026 allocation mula P2 billion tungong humigit-kumulang P2.7 billion.
Sa hearing, naglabas din ang ilang mambabatas ng alegasyon tungkol sa bilyong unused o unobligated student-aid funds habang may mga aplikanteng umano’y hindi nabibigyan ng tulong.
Dahil sa nangyari ito habang tinatalakay ang posibleng pork-barrel character ng Tulong Dunong, lumitaw ang tanong kung paano eksaktong itinatakda ang allocations at beneficiaries.
Naglabas din ang ilang netizens ng saloobin sa pagpigil ni Lagdameo na pag-usapan ang isyu.
“Seriously? Congresswoman Monique Lagdameo?! Makati District 1, ano itong congresswoman nyo?” saad ng isang post sa Facebook. /Bistado


