Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Red rainfall warning itinaas sa Metro Manila; Taft Avenue baha na

Itinaas sa Red Rainfall Warning ang Metro Manila nitong Sabado habang nakararanas ang Maynila ng napakalakas hanggang matinding pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.

Sa City of Manila Localized Heavy Rainfall Advisory No. 9 na inilabas alas-11 ng umaga nitong August 29, nagbabala ang mga awtoridad na maaaring magpatuloy ang malakas na ulan sa lungsod nang dalawa hanggang tatlong oras.

Pinag-iingat ang publiko sa banta ng flash floods at pinaghahanda sa posibleng paglikas sakaling patuloy na tumaas ang tubig.

Kasabay ng malakas na ulan, binaha na ang ilang bahagi ng Taft Avenue.

Batay sa Public Safety Patrol monitoring dakong alas-12:09 ng tanghali, umabot sa siyam na pulgada ang baha sa southbound lane ng Taft Avenue sa tapat ng Philippine General Hospital.

Siyam na pulgada rin ang lalim ng tubig sa Taft Avenue corner Padre Faura Street, habang nasa apat na pulgada naman sa kanto ng United Nations Avenue.

May pagbaha rin sa Taft Avenue corner Pedro Gil Street at General Malvar Street.

Nauna nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na patuloy na magdadala ng malalakas na ulan ang habagat sa Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon.

Sa Weather Advisory No. 27 nitong alas-11 ng umaga, nasa 50 hanggang 100 millimeters ang rainfall outlook sa Metro Manila mula Sabado hanggang Linggo ng tanghali.

Maaari pang mas lumala ang epekto ng ulan sa mga lugar na nakaranas na ng significant antecedent rainfall.

Pinayuhan ang mga residente na manatiling alerto sa weather updates at maging handa sa posibleng mabilis na pagtaas ng tubig. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles