Hindi pa laos ang mga batang ’80s at ’90s! Sa Strictly 30+ sa Monarch, muling pinatunayan ng millennials na kaya pa nilang humataw sa dance floor—basta may tamang tugtog, matinong hapunan, at sapat na oras para makauwi bago masira ang kanilang sleep cycle.
Ang millennials, o mga ipinanganak mula 1981 hanggang 1996, ang henerasyong lumaki sa gitna ng malalaking pagbabago. Inabutan nila ang analog television, snail mail, beeper, text messaging, Skype, at Zoom. Hindi pa laging online ang kanilang kabataan, ngunit halos buong-buong digital ang kanilang pagtanda. Kaya maging sa paggimik, tila palagi silang namamagitan sa dalawang mundo.
Sanay ang Makati titos at titas sa tahimik na speakeasy at slow bar. Pero dumarating din ang gabing nais nilang buhayin ang college days at sumayaw hanggang mangalay ang tuhod. Ang problema: mahirap humanap ng tamang lugar.
Kaya kung trentahin ka at naghahanap ng ganap, ang “Strictly 30+: A party that won’t ruin your bedtime,” ay para sa’yo!
Expect this: Mabagal ang simula. Early ’90s songs ang unang tumugtog habang marami ang kumakain pa. Karamihan ay mukhang dumiretso mula opisina at may bitbit pang bag—sagabal kapag kailangang bantayan ang laptop habang sumasabay sa chorus.
Bandang alas-onse tuluyang iinit ang sahig. Nagsitayuan ang mga tito at tita, nawala ang propesyonal na tikas, at bumalik ang galaw ng college years.
Hindi perpekto ang produksiyon. Pasado lamang ang DJ, na tila nag-shuffle ng kanta at gumamit ng basic fades. Marami ring mesa at upuang kumain sa espasyo. Ngunit ang tunay na bida ay ang crowd. Sa bawat pamilyar na beat at rap, ginawang rave ang kanilang alaala.
Pagsapit ng alas-onse y medya, expect na naubos na ang social battery ng mga trentahin. Hindi man pinakamahusay na club night ang Strictly 30+, alam nito ang sikreto: nostalgia, tamang crowd, at saya na hindi kailangang abutin ng madaling-araw.
Kung gustong sumali sa susunod, hindi pa huli ang lahat!
Ilabas na ang Google Calendar: Friendster Era Tracks sa September 4, College Club Nights Part 3 sa September 11, at Pop Royalty sa September 26. Asahan ang emo, pop, punk, alternative rock, millennial hip-hop at R&B, boy bands, at pop princesses.
Magbook sa sumusunod:
Monarch Manila
OPL Building, 100 C. Don Carlos Palanca Street, Makati City 1229
Instagram: @monarch.manila
Reservations: 0977 166 4881
Email: reservations@monarchmanila.ph


