Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PH baseball team, bigo sa pangarap na Women’s World Cup

Nagtapos na ang kampanya ng Philippine team sa WBSC Women’s Baseball World Cup group stage nang hindi nakaporma sa Venezuela, 0-10, sa Aspac Secondary Field sa Tainan, Taiwan nitong Hwebes.

Nalaglag sa torneo ang mga Pinay tangan ang 2-3 win-loss record.

Natalo ang koponan ni coach Saki Bacarisas sa Japan, 0-3, sa unang laban noong Agosto 25; magkasunod na nanalo sa Cuba (6-0) at Great Britain (6-2); bago nabigo sa host (2-8) at sa Venezuela.

Japan, Venezuela at Chinese Taipei ang mga nakakuha ng mga tiket tungo sa 2027 Women’s Baseball World Cup finals sa Rockford, Illinois sa Amerika.

Tinapos ng Japan ang torneo na walang talo sa 5-0 at naging unang koponan mula sa Group B na nakakuha ng pwesto sa finals. 

Venezuela ang ikalawang finalist na umabante matapos tapusin ang torneo na may 4-1 record. 

Ang Chinese Taipei ang ikatlo na nakapasok sa finals matapos talunin ang Great Britain, 15-0, sa huling laro ng torneo at umabante na may 3-2 record.

Nagkaroon ng maagang pagkakataon ang Pilipinas na mapanatiling dikit ang laban sa Venezuela sa bottom half ng first inning habang nakasunod sa 1-0.

Nag-single si Veronica Velasco sa right field na may isang out bago umabante sa second base nang tawagin ng umpire na balk ang Venezuelan starter na si Abril Amaro, dahilan para mapunta siya sa scoring position.

Ngunit nag-pop out si Mae Langga sa shortstop kahit siya ang na-uuna sa count, bago nag-strike out si Martine Francisco para sa huling out.

Ang WBSC Women’s Baseball World Cup ay opisyal na nagsimula noong Hulyo 2004 sa Edmonton, Alberta, Canada, kung saan tinalo ng Estados Unidos ang Japan para makuha ang unang world title.

Ang torneo ay binuo ng International Baseball Federation, na kalaunan ay naging World Baseball Softball Confederation (WBSC) upang magkaroon ng opisyal at kinikilalang kompetisyon para tanghalin ang tunay na world champion; itaguyod at kilalanin ang baseball para sa kababaihan bilang isang hiwalay na isport mula sa softball; at isulong ang gender equality sa palakasan.

Noong huling bahagi ng dekada ’90 at unang bahagi ng 2000s, mabilis na lumago ang baseball ng kababaihan sa mga bansa tulad ng Canada, Australia, Japan at Estados Unidos.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles