Hindi kailanman iiwan ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, mariing tugon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa panibagong pahayag ng China na may ipinangako umano ang Maynila na aalisin ang barko sa lugar.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, walang umiiral na binding commitment na alisin ang nakasadsad na Philippine Navy vessel.
“The AFP rejects the recent statement from the Chinese Embassy in Manila attempting to rewrite history regarding the presence of the BRP Sierra Madre at Ayungin Shoal,” ani Trinidad nitong Sabado.
Iginiit niyang binabaluktot ng Beijing ang kasaysayan habang isinasantabi ang sarili nitong mga pahayag at pagkilos sa West Philippine Sea.
Bilang halimbawa, itinuro ni Trinidad ang Panganiban Reef, na kilala sa buong mundo bilang Mischief Reef, na inokupa ng China noong 1995.
Noong una, sinabi umano ng China na ang mga itinayong istruktura roon ay silungan lamang ng mga mangingisda at walang layuning militar. Kalaunan, ginawang malaking military installation ang lugar na may airstrip, radar facilities at naval infrastructure.
“Mischief Reef stands as a permanent, concrete monument to their deceptive strategy in the West Philippine Sea,” sabi ni Trinidad.
Sadyang isinadsad ng Philippine Navy ang World War II-era landing ship na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong 1999 upang magsilbing military outpost ng bansa.
Paulit-ulit nang hinihiling ng China na alisin ang barko at sinasabing may naunang pangako ang Pilipinas na gawin ito. Patuloy naman itong itinatanggi ng Maynila.
“No binding commitment was made to remove the BRP Sierra Madre from Ayungin Shoal,” diin ni Trinidad.
Binanggit din niya ang 2016 arbitral award na kumilala sa Ayungin Shoal bilang low-tide elevation na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Pinawalang-bisa rin ng arbitral tribunal ang malawak na pag-angkin ng China sa historic rights sa loob ng nine-dash line dahil wala itong legal na batayan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea.
“The AFP remains firm in executing its mandate to protect Philippine national sovereignty, uphold international law, and maintain our presence on Ayungin Shoal,” ani Trinidad.
“We will never abandon BRP Sierra Madre.”
Kasabay nito, tinanggap ng Department of National Defense (DND) ang pagpasok sa bisa ng Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Nilagdaan noong January ang kasunduan, na nagtatakda ng balangkas para sa mabilis at koordinadong pagbibigay ng supplies at services sa pagitan ng AFP at Japan Self-Defense Forces.
Inaasahang palalakasin ng ACSA ang joint exercises at humanitarian assistance and disaster response operations ng dalawang bansa.
Kasunod ito ng Reciprocal Access Agreement, na nagbibigay ng legal framework para sa joint military training, disaster response at iba pang defense cooperation.
Bahagi ang mga kasunduan ng comprehensive strategic partnership ng Pilipinas at Japan, na nakatuon sa mutual trust at pagtataguyod ng malaya at bukas na Indo-Pacific. /Bistado


