Posibleng lumakas bilang super typhoon ang Saudel bago ito pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes, August 24, habang inaasahang makatatanggap ng hanggang 100 millimeters na ulan ang Batanes dahil sa southwest monsoon o habagat.
Ayon sa 11 a.m. tropical cyclone advisory ng Pagasa nitong Linggo, August 23, namataan ang mata ng Typhoon Saudel dakong 10 a.m. sa layong 2,085 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.
Nananatili ito sa labas ng PAR at may mga coordinates na 21.3°N, 142.0°E.
Taglay ng Saudel ang maximum sustained winds na 165 kilometro bawat oras malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 205 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito pakanlurang-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras. Umaabot naman hanggang 520 kilometro mula sa sentro ang saklaw ng malalakas hanggang typhoon-force winds.
Inaasahang magpapatuloy ang Saudel pakanlurang-hilagang-kanluran sa susunod na tatlong araw bago kumilos patungong kanluran sa nalalabing bahagi ng forecast period.
Maaaring pumasok ang sentro nito sa northeastern boundary ng PAR sa umaga o hapon ng Lunes.
Hindi pa tiyak kung Obet o Pilandok ang magiging local name ng Saudel dahil may isa pang tropical depression sa silangan ng Southern Luzon na maaari ring pumasok sa PAR. Nakadepende ang pangalan sa kung aling bagyo ang unang papasok.
Batay sa kasalukuyang track, mananatili ang Saudel sa Philippine Sea at inaasahang lalabas ng PAR sa Martes, August 25. Gayunman, maaari itong manatili sa loob ng PAR lampas Martes kung lilihis pa-kanluran ang tatahaking landas nito matapos ang 48 oras.
Inaasahang aabot sa super typhoon category ang Saudel sa Lunes bago ito pumasok sa PAR. Unti-unti itong maaaring humina matapos maabot ang pinakamataas na lakas, ngunit hindi inaalis ang posibilidad na super typhoon pa rin ito sa pagpasok sa PAR.
Gayunman, mababa ang posibilidad na direktang maapektuhan ng Saudel ang panahon at kondisyon ng karagatan sa bansa sa susunod na tatlong araw.
Samantala, nagbabala ang Pagasa na maaaring makaranas ang Batanes ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan mula Linggo hanggang tanghali ng Lunes dahil sa Habagat.
Maaaring mas mataas pa ang rainfall sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Posible ring lumala ang epekto dahil sa mga naunang pag-ulang nagpabasa at nagpalambot na sa lupa.
Pinayuhan ang mga disaster risk reduction and management office na gawin ang mga kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian. /Bistado


