Mas pinatibay ng Maya ang cybersecurity system nito habang binibigyan ang mga customer ng direktang kontrol sa seguridad ng kanilang accounts at cards.
Sa pamamagitan ng built-in tools sa Maya app, maaaring agad na i-freeze o i-unfreeze ng users ang kanilang cards at baguhin ang usage settings anumang oras.
Katuwang ng mga user-controlled feature ang biometric authentication at aktibong fraud monitoring na awtomatikong tumatakbo sa background.
May dagdag na proteksyon din ang Maya credit cards sa online transactions sa pamamagitan ng dynamic card verification values o CVVs, na nagbabago sa halip na manatiling pareho.
Ayon kay Maya head of corporate affairs Kristoffer Rada, hindi lamang support function ang cybersecurity kundi bahagi mismo ng serbisyo at produkto.
“For us in Maya, cybersecurity is not some back-office product, it’s really part of the product,” ani Rada.
Nakikipagtulungan din ang Maya sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Cybercrime Investigation and Coordinating Center ng Department of Information and Communications Technology, Department of Justice at Philippine National Police.
Iginiit ni Rada na shared responsibility ng mga financial institution, regulator, law enforcement agency at iba pang bahagi ng digital ecosystem ang pagpapanatili ng tiwala ng consumers.
Dapat din aniyang magkaroon ng balanse ang cybersecurity policies—mahigpit na proteksyon at malinaw na accountability, ngunit sapat ang flexibility upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya at mga banta.
“Technology evolves so fast. The rules that apply this year may no longer be applicable and could become archaic in five years,” sabi niya.
Sa halip na nakatuon lamang sa pagsunod sa bawat panuntunan, dapat umanong unahin ang aktwal na resulta: protektado ang customers, tuloy ang serbisyo, malinaw ang pananagutan at may kakayahang tumugon at makabangon kapag may insidente.
Itinutulak din ni Rada ang technology-neutral at risk-based standards na mananatiling angkop kahit patuloy ang innovation.
Saklaw na ngayon ng cyber risks ang banking supervision, data privacy, telecommunications, consumer protection at law enforcement. Dahil dito, mahalaga ang mabilis na pagpapalitan ng impormasyon, koordinadong pagpigil sa scams at malinaw na regulatory expectations.
“Cyber threats do not stop at the boundaries of one company, one regulator or one country,” ani Rada. “The stronger the coordination across the ecosystem, the better we can protect customers and maintain confidence in digital services.” /Bistado


