Binuliglig ng batikos sa social media ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) matapos nitong ihayag na anim sa sarili nitong mga komisyoner ang tatanggap ng 2026 “Kampeon ng Wika”—isang parangal na ipinagkakaloob mismo ng ahensya.
Sa opisyal na post ng KWF noong Martes, August 18, sinabi nito: “Ngayong Buwan ng Wikang Pambansa 2026, kikilalanin sina Dr. Carmelita C. Abdurahman, Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., G. Alain Russ G. Dimzon, Dr. Christian T. N. Aguado, Dr. Reggie O. Cruz, at Dr. Evelyn C. Oliquino bilang mga tatanggap ng Kampeon ng Wika 2026.
Ang Kampeon ng Wika ay taunang parangal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa mga indibidwal, institusyon, o samahang may ambag sa pagtataguyod, pagpapaunlad, at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Pilipinas. Gaganapin ang KWF Gabi ng Parangal 2026 sa 27 Agosto 2026.”
Ang mga kikilalanin ay sina Abdurahman para sa Samar-Leyte, Mendillo para sa Ilokano, Dimzon para sa Hiligaynon, Aguado para sa Katimugang Pamayanang Kultural, Cruz para sa Kapampangan at Oliquino para sa Bikol.
Agad na umani ng puna ang announcement post, kung saan kinuwestiyon ng ilang netizen kung nararapat bang bigyan ng isang government award ang mga opisyal mismo ng ahensyang nangangasiwa rito.
“Nakakahiya sa mga karapat-dapat maparangalan na magparangal sa mga mismong administrador ng Komisyon. Ang dami-dami namang puwedeng kilalanin,” sabi ng isang commenter.
“Aba, hindi na kayo nahiya na ah! Ginawaran niyo sarili niyo? Hindi ba kayo nahihiya sa ginawa niyo?” puna ng isa pa.
“Komisyoner na nga kayo may award pa kayo? Juicecolored naman ihiwalay ang puti sa de color!” komento naman ng isa pang netizen.
Ginawang biro ng isang commenter ang kontrobersiya. “Maganda ’to. Magawa nga rin ako ng sarili kong Gawad Parangal. Natatanging Gawad sa Natatanging Sarili. Sino ang panalo? Syempre ako! Thanks sa idea!”
“Dapat talaga ang theme ng Buwan ng Wika ay: Wika at Self-love,” patutsada naman ng isa pa.
Isang commenter din ang nag-post ng linyang iniuugnay niya kay Ruffa Mae Quinto: “”I dedicate this [award] to myself. I hope I like it.” – Ruffa Mae Quinto, 32nd PMPC Star Awards for Television, 14 Oktubre 2018”
Anim sa walong commissioner ng KWF ang napabilang sa awardees.
Bagama’t wala umanong probisyon sa rules na tahasang nagbabawal sa isang commissioner na tumanggap ng Kampeon ng Wika, iginiit ng mga kritiko na nagbubukas ito ng mga tanong tungkol sa conflict of interest at delicadeza.
Karaniwang nagmumula sa pampublikong nominasyon ang mga Kampeon ng Wika awardee. Gayunman, ayon sa mga ulat, walang nomination form na binuksan para sa nasabing parangal ngayong taon. Ang inanunsyong nominations noong May ay para sa hiwalay na Gawad Dangal ng Wika.
Wala ring Kampeon ng Wika awardee noong 2025. Sa halip, ipinagkaloob ng KWF ang Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura sa anim na academic institution.
Kabilang sa mga dating tumanggap ng Kampeon ng Wika sina National Artists Nora Aunor at Resil Mojares, aktor na si John Arcilla, mga manunulat at akademikong sina Merlie Alunan, Alicia Magos, Leoncio Deriada, Eliza Uy-Grino, Galileo Zafra, Mario Miclat at Michael Coroza.
Nakatanggap din nito sina dating Supreme Court Associate Justice Serafin Cuevas, Fathers Immanuel Sison Escano at Wilmer Joseph Tria, at ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa.
Bagama’t walang cash prize ang Kampeon ng Wika, government-funded program ito na may gastos para sa plaques, event production, awards night at administrative work, ayon sa opinion article.
Ang kontrobersiya ay sumiklab habang ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa, na ngayong taon ay nakatuon sa etikal na paggamit ng artificial intelligence sa pananaliksik at pangangalaga sa Filipino at mga katutubong wika. /Bistado


