Magdadala ng mga pag-ulan at thunderstorm ang southwest monsoon o Habagat sa Northern at Central Luzon ngayong weekend, habang nananatili sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm Saudel.
Ayon sa 4 p.m. forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Biyernes, August 21, huling namataan ang Saudel dakong 3 p.m. sa layong 2,635 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 110 kilometro bawat oras malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 135 kilometro bawat oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Sa Sabado, makakaranas ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang Ilocos Region, Apayao, Abra, Benguet, Batanes at Cagayan dahil sa habagat. Posible ang flash flood at landslide kapag naging katamtaman hanggang malakas ang ulan.
Bahagyang maulap hanggang maulap naman ngayong weekend ang Metro Manila, nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon, na may isolated rain showers o thunderstorm.
Gayon din ang magiging lagay ng panahon sa nalalabing bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms. /Bistado


