Nakakuha ang fintech company na Billease ng P1-bilyong credit facility mula sa Philippine National Bank (PNB) sa isang landmark deal na gumagamit sa consumer loan receivables bilang security sa uutanging pondo.
Inanunsyo nitong Huwebes ng Billease, na pinatatakbo ng First Digital Finance Corp., na nilagdaan nito ang kasunduan sa bangkong pinamumunuan ng Lucio Tan group.
Ginamit sa transaksyon ang Personal Property Security Registry (PPSR), na magbibigay sa PNB ng rehistradong first-rank claim sa pool ng consumer loan receivables ng Billease.
Isinagawa ang arrangement sa ilalim ng Personal Property Security Act. Maaari itong magsilbing bagong template para sa mga bangko sa Pilipinas na nais magpautang gamit ang fintech receivables bilang collateral.
May tatlong pangunahing proteksyon ang PNB sa ilalim ng kasunduan.
Una, kailangang mas mataas ang halaga ng consumer loans na inilalagay na collateral kaysa sa natitirang utang ng Billease. Ikalawa, regular na papalitan ang mga nabayaran o delinquent loan sa receivables pool ng mga bagong account. Ikatlo, dadaan ang bayad ng mga customer sa priority structure na inuuna ang PNB sa settlement.
Dahil nakakalat ang risk sa malaking bilang ng maliliit at short-term borrowers at buwanang pinapalitan ang loan pool, magkakaroon ang PNB ng secured na paraan upang makapasok sa lumalaking retail consumer credit market.
Ayon sa Billease, ipinakikita ng kasunduan ang tumataas na tiwala ng malalaking financial institution sa kalidad ng consumer finance assets at underwriting practices nito. Nagsilbing transaction adviser ang AlphaPrimus Advisors.
Batay sa financial data hanggang katapusan ng 2025, may humigit-kumulang P6.4 bilyong total equity ang Billease laban sa P7.1 bilyong total borrowings. Katumbas ito ng debt-to-equity ratio na halos 1x, kaya may kapasidad pa itong kumuha ng karagdagang credit facilities.
“We are deliberately expanding our local funding base here at home, with the country’s leading banks, because that allows us to keep serving more Filipinos with affordable, responsible credit,” ani Billease co-founder at chief executive officer Georg Steiger.
“We have built a profitable business that scales without compromising on underwriting standards, and relationships like this let us fund that growth locally, on improving terms.”
Itinatag noong 2017 ang Billease bilang homegrown Philippine fintech platform na nagbibigay ng formal credit at installment options sa mga unbanked at underbanked na Pilipino. /Bistado


